Bukod sa istorya bagong Kapuso series na "Victor Magtanggol," dapat ding abangan ang theme song nito na inawit ng mismong bida ng serye na si Alden Richards at hip-hop group na "Ex Battalion."

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Alden na bagay na bagay sa serye ang mensahe ng theme song na hindi siyempre mawawala ang rap at isinulat na rin mismo ng Ex Battalion.

"Yung 'Victor Magtanggol' po is about family, it's about drama, adventure at saka fantasy. So bagay na bagay 'yung kantang 'yun para sa soap na ito," anang Kapuso actor.

Tuwang-tuwa naman ang Ex B members na sina Mark, Flow G, at Daryl nang makasama sa recording si Alden.

"Sobrang natuwa ako kasi nu'ng pagsabi sa amin ni Mama Ai [AiAi Delas Alas] nga na si Alden, du'n pa lang, 'sige susulat na 'ko para du'n sa verse," sabi ni Mark.

Aminado naman si Alden na bago para sa kaniya ang magiging karakter niya sa "Victor Magtanggol," na magkahalong drama, aksyon at fantasy.

Bago nito, tumatak muna si Alden sa mga manonood bilang si Joma sa dating GMA Afternoon soap na "Alakdana" kung saan agad siyang nakitaan ng husay sa pag-arte.

Marami rin siyang pinakilig sa mga role niya sa Kapuso primetime series na "One True Love" bilang si Tisoy; Jerome Alvarez sa "Mundo Mo'y Akin;" si Yago sa "Carmela," katambal ang Primetime Queen na si Marian Rivera; at si Benjie sa "Destined To Be Yours," kasama ang other half ng AlDub na si Maine Mendoza.

Samantala, lalo pang nahasa ang husay niya sa pag-arte sa pagganap niya bilang ang Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal sa "Illustrado," at si Boni Ilagan sa Martial Law special na "Alaala," na nanalo pa ng Silver Medal sa 2018 New York Festivals.

Ayon kay Alden, espesyal sa kaniya ang pinakabago niyang karakter sa "Victor Magtanggol."

"Isa sa mga kinonsider ko sa bagong project is sana kung challenging man 'yung nagawa kong roles before mas extra ito," anang aktor. --FRJ, GMA News