Marami ang nanggigigil sa galit sa karakter nina Gladys Reyes at Kim Rodriguez sa "Inday Will Always Love You," dahil sa pang-aapi nila kay Happylou na ginagampanan ni Barbie Forteza.

Kasabay ng pasasalamat nina Gladys at Kim sa pagsuporta ng mga tao sa serye, nagbigay sila ng tips kung papaano maging epektibong kontrabida.

Sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing bukod sa mataas na ratings, pinuri rin agad ng mga netizen ang serye dahil sa magandang istorya nito at husay ng mga kasamang aktor.

"Umaapaw ang kaligayahan namin dahil mula unang linggo hanggang ito na nga, patawid na kami at nakatapos kami ng ikalawang linggo, ito patawid na kami sa ikatlo, ikaapat at sa marami pang linggo. Sana po makasama namin kayo, patuloy niyo kaming papasukin sa inyong mga tahanan," sabi ni Gladys.

"Hindi lang sabunot at sampal, suntok ang aabutin ni Happylou, marami pa. Tsaka abangan nila kung sino 'yung mga dadagdag na characters and may mawawala, or may babalik ba," sabi naman ni Kim.

Ayon kina Gladys at Kim, mahalaga ang mata sa pag-portray ng isang kontrabida.

"Malaking factor diyan 'yung mata. Hindi kinakailangan mahaba ang dialogue ng isang kontrabida para ipaalam niya sa audience na 'kontrabida ako,'" ayon kay Gladys.

"Kasi parang inner monologue ang ginagawa ko. Kahit hindi ako nagla-lines, mata mata lang," sabi ni Kim.

Kasunod nito, ginagamit din ang kilay para sa perpektong mataray na look.

"Malaking factor 'yon, konting taas ng kilay, konting kulot ng noo, tapos 'yung mata," sabi ni Gladys.

"Sobrang wild, kulang na lang patayin ko siya," sabi ni Kim.

Dapat ding isipin ang kaaway para lalong mainis.

"Sino ba 'yung taong medyo kontrabida sa buhay natin, marami naman talaga eh, pero gagamitin mo na lang 'yon as motivation du'n sa mga eksena," ayon kay Gladys.

"Sobrang galit na galit ako sa kaniya, iniisip ko siya, pero hindi ako nagsasalita," sabi ni Kim.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News