Galing sa Amerika, nagbabakasyon lamang sa Pilipinas si Troy Montero nang subukan niya ang mundo ng showbiz, na nagsimula sa pagiging host. Pag-amin din ng aktor, may ilang leading men ang nakaaway niya noon.
Sa panayam ni Rhea Santos sa programang "Tunay Na Buhay," sinabi ni Troy na bumibisita lang siya noon sa Pilipinas para makita ang bayang pinagmulan ng kaniyang inang si Cynthia nang ipakilala siya ng kaniyang kaibigan sa talent manager na si Daddie Wowie Roxas.
Kasunod nito ay nakilala naman ni Troy ang aktres at choreographer na si Maribeth Bichara, at dito nagsimula ang kaniyang unang hosting stint.
"Parang two birds in one stone. I met my first manager and I met my first na showbiz lead din which is with Maribeth. She said 'Hey, there is a network that has a new show coming up and we're doing try-outs,'" kuwento ng aktor.
Naging host si Troy ng naturang weekly dance show at nakipagsabayan siya sa pagsasayaw.
Dahil na rin sa kaniyang kaguwapuhan at sexy dance moves, maraming Pinay viewers ang nabihag ni Troy at napasok na rin niya ang pag-arte.
Pag-amin ni Troy, may ilang leading men siyang nakaaway noon habang nagsisimula siya sa showbiz industry.
"May certain moment na, I think it was also 'yung sign of the times, kasi mga late 90s andaming mga leading men. They are very, lots of ego so I fought with a lot of the guys. I fought a lot with the leading guys," saad niya.
"Most of them are my friends now, but when I first arrived, it's a territorial thing," pagbabalik-tanaw pa ni Troy.
Napanood si Troy sa ilang Kapuso guestings tulad ng programg "Karelasyon" at "A1 Ko Sa'yo."
Kung papipiliin si Troy, gusto pa rin niya ang hosting, pero gusto niya ring subukang magdrama.
Ipinakita rin ni Troy kay Rhea kung paano gumawa ng terrarium, na pinagkaka-abalahan nila ng misis niyang si Aubrey Miles. Panoorin.
Click here for more GMA Public Affairs videos
--FRJ, GMA News
