Maliban sa pagiging sensitibo ng kaniyang pang-amoy, wala naman daw ibang nararamdaman sa kaniyang unang pagbubuntis ang 43-anyos na dating beauty queen na si Miriam Quiambao. Gayunman, aminado siyang todo-ingat siya ngayon.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing sampung linggo na ang sanggol sa sinapupunan ni Miriam, na first baby nila ng kaniyang mister na si Ardy Roberto.

"Wala akong mga cravings. Saka buti na lang hindi ko rin, ako, hindi ko rin nararamdaman 'yung morning sickness," saad niya.

Naniniwala si Miriam at ang asawa niyang si Ardy na biyaya mula sa Panginoon ang kaniyang ipinagbubuntis makaraan ang apat na taon nilang pagsasama.

"Ang Panginoon talaga, meron siyang perfect timing eh," sabi ni Miriam. "Nagpursigido kami. Nagpunta kami sa doctor, nagwo-work-up kami. Tapos two years ago nag-IVF kami pero nag-fail. Pero ngayon two years later, eto na natural naman."

Dahil itinuturing na high-risk pregnancy ang kaniyang kalagayan, labis na nag-iingat si Miriam at kinansela na rin ang kaniyang mga biyahe.

"I have to take it easy. Ang dami kong kinansel na mga trips, meron akong mga out of the country saka out of town trips hanggang next year. Lahat 'yon kinansel ko kasi pinagbabawalan talaga kong mag-travel," pagbahagi niya.

Wala pa raw naiisip sina Miriam at Ardy na ipapangalan sa kanilang magiging baby pero priority daw nila ang biblican names sa pagpipilian.-- FRJ, GMA News