Kahit ang mga sikat, hindi rin ligtas sa bagyo. Kaya ang ilang Kapuso celebrity, ibinahagi ang kanilang paghahandang ginagawa kapag may paparating na bagyo.

Sa Chika minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nagiging I Am Ready din ang mga artista at advance na mag-isip upang hindi maperwisyo nang husto ng masamang panahon.

"Importante lang na kailangan mag-stock ka ng mga 'yan, tubig, malinis na tubig, pang-inom. Tapos pagkain, sapat na pagkain para siguro sa loob ng isang linggo para lang sigurado," ayon kay Jennylyn Mercado.

Ang "Sunday Pinasaya" host na si Jerald Napoles, nagpayo na umalis nang maaga kung may pupuntahan na mahalaga.

"Umalis nang maaga kasi 'yung traffic at saka 'yung na-stranded ka sa gitna ng daan, medyo mahirap 'yun. Atleast kung mas maaga ka, mas maraming time masolusyunan," saad niya.

Sabi naman ni Kapuso fitspiration Ina Feleo, "Luckily 'yung bahay namin hindi siya masyadong, hindi siya bahain. I have flashlights and food."

Ang Kapuso leading man na si Jason Abalos, naranasan nang bahain ng bagyong Ondoy noong 2009 kaya mas handa na siya ngayon.

"Nag-iimbak talaga siyempre. Ano ba talaga kailangan mo, tubig, pagkain. Siyempre dasal talaga, dasal din. Isipin mo 'yung mga taong maapektuhan ng bagyo," payo niya.

Ayon naman sa "The Stepdaughters" stars na si Megan Young, "We should all be prepared. Make sure na meron tayong emergency kit. Know where the safe zones are, know the numbers that you can call, just be aware. Don't panic."

Sabi naman ng leading man na si Mikael Daez, "Being together with your family is important. Kasi naaalala ko dati, lahat kami nasa bahay tapos may isang kapatid na wala, nagwo-worry kami eh. Stay together, stay indoors and just be safe."-- FRJ, GMA News