Lalong umiinit ang mga tagpo sa Kapuso hit primetime series na "Victor Magtanggol" pero lalo pa itong titindi sa inaasahang paglabas ng mga Sang'gre ng "Encantadia" sa susunod na linggo.

Sa episode ng "Victor Magtanggol" nitong Biyernes, na pinagbibidahan ni Alden Richards, naging madamdamin ang mga eksena sa masinsinang pag-uusap nina Victor at Sif [Andrea Torres].

Plano kasi ni Victor na iwan na ang kaniyang kapangyarihan bilang si Hammerman matapos na hindi niya masagip ang lolo ni Gwen [Janine Gutierrez].

Pero matapos ang matinding pag-uusap nila ni Sif na may kasamang malakas na sampal, nagpasya si Victor na manatiling si Hammerman at hanapin ang kanilang kalaban na si Loki.

Sa teaser ng susunod na mga episode para sa susunod na linggo, binanggit ni Sif na hindi nila kakayanin ni Victor ang laban at sinundan nang pagtunog ng markadong musika na nadidinig sa dating Kapuso hit fantaseryeng "Encantadia" at may ipinakitang mga Sang'gre.

Hindi pa man malinaw ang mangyayari sa mga susunod na tagpo, ang mga netizen, excited na makita ang crossover ng mga Sang'gre na sina Glaiza de Castro, Kylie Padilla, Gabbi Garcia, at Sanya Lopez sa "Victor Magtanggol."

Lalo pang tumindi ang paniniwala ng netizens na makikita nilang muli ang mga Sang'gre dahil sa post na larawan ni Glaiza na kasama sina Kylie, Gabbi at Sanya, na tila nasa location shoot.

LOOK: 'Encantadia' fans, na-excite sa larawang ipinost ni Glaiza de Castro

Narito ang ilang Twitter post tungkol sa pananabik ng netizens sa posibleng sanib-puwersa nina Hammerman, Sif at mga Sang'gre.

 

 

 

-- FRJ, GMA News