Hindi umano dapat palampasin ng mga manonood ang pagdating ng apat na sang'gre ng "Encantadia" sa Kapuso hit primetime series na "Victor Magtanggol" na pinagbibidahan ni Alden Richards.


Sa Chika Minute report ng "24 Oras" nitong Lunes, sinabing sobrang na-excite daw sina Kylie Padilla, Gabbi Garcia, Sanya Lopez at Glaiza de Castro nang malaman nilang magsasama-sama silang muli bilang magkakapatid na sang'gre.

Hindi raw nila napigilang maging emosyonal lalo na nang isuot nilang muli ang kanilang mga costume. Bukod dito,na-realize din daw nila kung gaano nila na-miss ang isa't isa.

Nang tanungin kung ano ang magiging papel nila sa pakikipagsapalaran ni Victor na ginagampanan ni Alden, sabi ni Kylie, " Matutuwa kayo sa mapapanood n'yo. Sobrang happy ko rin sa role ko rito"

Sabi naman ni Sanya, "Sino ba ang tutulungan, si Victor Magtanggol ba o kami? Abangan."

Inihayag naman ni Glaiza na may magaganap sa serye kaya hindi nila dapat palampasin.

"May something na mangyayari na kapag pinanood nila 'yung episode...dapat nilang abangan," sabi ng aktres. -- FRJ, GMA News