Hindi lang boses ang ginintuan sa grand winner ng "The Clash" na si Golden Cañedo, kung hindi pati ang kaniyang puso.  Kabilang kasi sa mga plano niyang gawin sa napanalunan niyang P1 milyon cash ay hindi para sa kaniyang sarili.

Ang P1 milyon cash ay kabilang lang sa mga napanalunan niya kasama na ang tropeo, house and lot, bagong kotse, at kontrata sa GMA Network.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabi ni Golden na kabilang sa mga plano niyang gawin sa kaniyang premyo ay ipaopera ang kaniyang pinsan.

"'Yung pinsan ko po na dine-dedicate ko 'yung last round, gusto ko po siyang maoperahan," saad ng pambato ng Cebu.

"Bibilhan ko muna sina mama at papa ng mga damit. Kasi po pabalik-balik na lang yung damit nila. Mas inuna po nila ako para sa mga rehearsal," dagdag ng 16-anyos na dalaga.

Itinanghal na kauna-unahang grand champion si Golden matapos niyang talunin sa one-on-one battle si Jong Madaliday.

Bukod kina Golden at Jong, nakasama rin sa Top 5 sina Mirriam Manalo, Garret Bolden, at Josh Adornado.

Bago i-announce ang winner, inihayag ni Clash Master Regine Velasquez-Alcasid, na mapapanood ang final five Clashers sa pinakabagong evening variety show ng Kapuso network na "Studio 7."

Nagpapasalamat si Golden sa lahat ng sumuporta at nagtiwala sa kaniyang kakayahan.

Excited na raw si Golden sa upcoming project na "Studio 7," kung saan makakasama niya ang kaniyang iniidolong si Kyline Alcantara.

"Challenging po si Kyline. Ang galing po niyang umarte, lahat po alam niya, tapos magkasing-age lang kami," masaya niyang pahayag.

Bukod sa singing career, balak din ni Golden na sumabak sa acting gaya ng kaniyang idolo. -- FRJ, GMA News