Mula sa Top 5 Clashers, hindi inaasahan ni Golden Cañedo ng Cebu na siya ang makasusungkit ng korona at magiging kauna-unahang "The Clash" champion. Kahit champion na, aminado si Golden mababa pa rin ang confidence niya sa sarili.

Sa panayam kay Golden ng GMA News Online sa press conference ng Studio 7 nitong Martes, inamin ni Golden na hindi pa nagsi-sink in sa kaniya ang pagkakapanalo sa "The Clash."



Ang akala nga niya, si Garrett Bolden ng Olongapo ang magiging champion dahil para sa kaniya, "complete package" si Garrett.

"Sasabihin ko po 'yung totoo na, negative po talaga akong bata. Wala talaga akong ka-confi-confidence sa sarili ko. 'Yun pong parang tinitingnan ko lang po 'yung pamilya ko kung push lang sila ng push sa akin. Ginagawa ko po ito para sa pamilya ko, hindi lang para sa akin," ayon kay Golden.

"Hindi naman po sa humble pero, sa totoo lang po hindi po talaga, wala po talaga," natatawa niyang sabi.

Maski ang kaniyang pamilya, itinuturing "parang panaginip" ang pagkapanalo niya.

"Sobrang happy po nila. Parang ako rin po, hindi po ine-expect, hindi pa po nag-sink in sa utak namin na ganu'n 'yung nangyayari. Sabi nga nila na para daw panaginip lang. Nagsusuntukan kami doon sa bahay kung totoong panaginip lang ba o hindi," saad niya.

Kasama si Golden sa pinakabagong Kapuso musical-variety show na "Studio 7," at dito pa niya ipapamalas pa ang talento niya sa pagkanta.

"Happy na happy po ako kasi bihira lang po 'yung makakasabayan ko 'yung mga sikat na artista. Sobrang blessed talaga ngayong year na ito na nanalo po ako sa The Clash tapos may Studio 7 pa po," anang dalagitang mang-aawit.

Pag-amin ni Golden, idol niya si Kyline Alcantara, kaya handa rin siyang maka-duet ang La Nueva Kontrabida.

"Duet po, sure, sure na sure po, mag-collaborate kami, pero showdown, hindi po kasi idol na idol ko po siya, love na love ko po siya," ayon kay Golden.

Tinanong si Golden kung anong music genre ang gusto niyang pagtuunan ng pansin.

"Gusto ko pong ma-try lahat ng genre po. Gusto ko po, hindi lang po sa OPM, sa ballad, hindi lang po ganu'n. Gusto ko po ma-try lahat pero nakilala naman po ako dito sa The Clash as OPM," tugon niya.

Nag-aaral pa ngayon sa Cavite, sinabi niyang pinagsasabay niya ngayon ang kaniyang pag-aaral at mga shows. -- FRJ, GMA News