Ilan pang Kapuso personalities ang nag-uwi ng parangal sa ika-8 EdukCircle Awards, kabilang sina Pambansang Bae Alden Richards at "Contessa" Glaiza de Castro.

Tinanggap ni Alden ang Most Influential Male Endorser of the Year Award nitong Sabado. 

 

Samantala, tinanggap ni Glaiza ang Best Actress in a TV Series Award sa pagganap niya bilang si Bea Caballero/Contessa sa hit GMA afternoon series na "Contessa."

 

"May magandang nakalaan para sa mga nagsusumikap at hindi sumusuko. Maraming salamat sa lahat ng bumubuo ng @edukcircle sa karangalan at regalong ito bilang Best Actress para sa Contessa. To God be the Glory," saad ni Glaiza.

Ayon sa kanilang website, ang EdukCircle - International Center for Communication Studies (ICCS) ay isang institusyon na nagbibigay ng venue para sa pag-unlad at mahalagang pagsusuri ng communication practices sa iba't ibang academic fields.

Ang kanilang mga programa ay iniendorso ng Commission on Higher Education. — Jamil Santos / AT, GMA News