Sa isang episode ng programang "Tonight With Arnold Clavio" na naipalabas limang taon nang nakalipas, natuwang inalala ng OPM legend na si Rico J. Puno ang kaniyang pormahan noong 1970s, pati na rin ang pagsisimula ng kaniyang singing career.
Naipalabas muli nitong linggo ang nasabing episode kung saan nasabi ni Rico J. na talagang natural na ang kaniyang "husky" voice.
Dahil sa galing niya sa pagkanta, kinuha siya noon ni Fernando Poe Jr. nang magkaproblema ito kay Susan Roces, at siya ang pinagharana.
"Siguro galit pa rin. Erap, 'Sunshine [on My Shoulders]' ulit. Mga 20 Sunshine [on My Shoulders] 'yun eh. Tapos binigyan ako ng P650. Ang laki na noon!," sabi ni Rico J.
Sa isang interview kamakailan, naalala daw ni Senator Grace Poe ang nasabing insidente.
Ayon sa senadora, "Kilig na kilig kami sa kanyang mga awitin na nagbigay ng inspirasyon sa maraming henerasyon ng mga Pilipino. Classic na ang mga kanta niyang 'Alaala,' 'May Bukas Pa,' 'Lupa,' 'Together Forever' at 'Macho Gwapito.'”
"Kakaiba ang boses ni Rico J. Kapag narinig mo ang tinig niya, alam mong siyang-siya. Maging ang bersyon niya ng mas bagong awitin gaya ng 'Ang Huling El Bimbo' ng Eraserheads, katangi-tangi," dagdag niya.
Pumanaw nitong Martes ng umaga si Rico J. Puno sa edad na 65.
Ayon sa manager ng singer na si Norma Japitana "heart-related" ang sanhi ng pagpanaw ng batikang mang-aawit. Dati na daw siyang sumailalim sa operasyon sa puso at nilagyan ng pacemaker noong Agosto. — Jamil Santos/BAP, GMA News
