Hindi maikakaila na kailangan ng mga magkasintahan na magkaroon ng oras para sa isa't isa para mas tumibay pa ang kanilang relasyon. Kaya naman ang mga Kapuso couples, kaniya-kaniya ng trip para sa mas masayang bonding experience.
Sina Barbie Forteza at Jak Roberto, nag-theme park date sa Disneyland, kaya naman bukod sa saya, enjoy din sila dahil sa mga thrilling rides.
"Super walk, kahit maambon. Siyempre sa Disneyland, the happiest place on earth. Sobrang nag-enjoy din kami doon. Nagplano kami ng maikling bakasyon lang para lang quality time talaga na kami lang," sabi ni Barbie sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes.
Staycation naman ang trip nina Tom Rodriguez at Carla Abellana na chill at relaxed lang at kasama pa ang kanilang pet na si Bubbly. Baby ang turing nila kay Bubbly kaya naman para na rin silang isang happy family.
Puring puri si Tom kay Carla, na para sa kaniya ay wife material.
"Hands down. Grabe, lahat ng qualities, maalaga, understanding, nurturing and she's just a great partner to have. Kampanteng kampante na siya sa akin kasi 'di ko alam ang gagawin ko kung mawala siya sa akin," natatawang sabi ni Tom.
Adventure naman ang ginawa nina Solenn Heussaff at Nico Bolzico sa kanilang road trip.
Natutuwa si Solenn na game na game si Nico kaya no dull moments sila sa tuwing magkasama.
"Super kalog siya, comedian talaga, natural comedian. So kung anong nakikita niyo sa kaniya on TV or on interviews ganoon talaga siya sa totoong buhay," ayon kay Solenn.
Busy sa kaniya-kaniyang showbiz commitments sina Rayver Cruz at Janine Gutierrez, kaya sa mga malalapit na lang sila nagde-date; maski sa bahay ay okay na.
Kaya naman mas masaya dahil nakaka-bonding din nila ang pamilya ng isa't isa.
"Happy ako na nakakasama ko siya 'pag wala siyang trabaho kasi siyempre, sobrang busy din niya sa show niya ngayon eh. So naghahanap naman ako ng time lagi 'pag, basta alam kong wala siyang work at wala akong work," ani Rayver. — LA, GMA News
