Kinagigiliwan ngayon ang video ng isang batang babaeng umiiyak dahil gusto niyang makita si The Clash champion na si Golden Cañedo.

Sa Facebook video ng uploader na si Tin-tin Villanueva Gayas, makikita ang maluha-luhang si Klea na tila nananabik na makita ang kaniyang idolo.

"Mahal ko si Golden! Ate Golden, idol ko!" sabi ni Klea.

"Ate Golden nami-miss na kita! Sana magkita na tayo ate Golden!" dagdag pa ng bata.

Napawi naman ang lungkot ni Klea nang magparating ng video greeting si Golden sa kaniya.

Makikita pang yakap-yakap ni Klea ang phone habang napangiti sa pagbati ng "Golden Voice Ng Cebu."

Samantala, itinampok na sa New Music Friday Philippines ng Spotify ang cover ni Golden ng "Ngayon" ni Basil Valdez.

Kinanta ni Golden ang "Ngayon" sa the Final Clash na naglagay sa kaniya ng Ultimate Final Clash ng kompetisyon.

Mainit na tinanggap si Golden ng kaniyang mga kababayan sa kaniyang lalawigan sa Cebu kamakailan. —LBG, GMA News