First time na nakatrabaho ni Kim Chiu ang Kapuso leading man na si Dennis Trillo para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2018 entry nila na "One Great Love," na ipalalabas sa Disyembre 25.

Ang pelikula ay tungkol sa hindi matagumpay na relasyon nina Zyra Paez (Kim) at Carl Mauricio (J.C. de Vera). Kinalaunan, makikilala ni Zyra ang duktor na si Ian Arcano (Dennis) na kaniyang magiging malapit na kaibigan at love interest.

 

 


"Yes silang lahat first time," masayang sabi ni Kim sa ginanap na press conference ng pelikula nitong Martes sa Quezon City. "Una si direk Eric (Quizon) first time niya akong ma-direk.

Tungkol kay Dennis, sinabi ni Kim na, "Parang hindi ko lubos maisip sa isip ko na magkikita kami para sa isang proyekto.

"I'm very honored na makatrabaho ko siya kasi, iba, iba siya. Ang galing! Wow! Magaling po talaga siya dito," deklara ng aktres.

Napansin din ni Kim ang pagiging tahimik daw ni Dennis pero sobra ang dedikasyon sa trabaho.

"Sobrang tahimik niya lang na tao pero pagdating sa 'take,' iba po talaga. Para po talaga kaming mag-best friend du'n. Parang hindi ko maisip na, puwede pala 'yun, 'di ba noh, best friend?,' sabi ni Kim sabay tingin kay Dennis.

Aminado din si Kim na isang hamon sa kaniya ang naturang pelikula.

"Lagi naman naming sinasabi na, 'Iba po kami rito,' pero this time, iba talaga, parang nag-five steps higher ako. Lumabas ako sa comfort zone ko kasi gusto ko makita ng mga tao 'yung ibang ako," saad niya.

Natutuwa din ang aktres na tinanggap ng direktor nila na si Eric Quizon ang mga mungkahi niya, at ang mga napansin sa kaniya ni Dennis.

"I'm very happy din na sila direk (Quizon) open sila sa mga suggestion ko, and 'yung sabi ni Dennis na tutok na tutok ako. Pero sobra akong happy na na-appreciate nila 'yung mga comments ko. Parang first time kong nag-ganito na puwede pala nila akong pakinggan. Parang, puwede ko palang sabihin 'yung gusto ko."

"So this movie, sobrang excited talaga ako na mapanood siya ng mga tao, and kahit ako na-excite ako sa naging outcome ng pelikula," ani Kim.-- FRJ, GMA News