Hindi itinago ng Kapuso leading man na si Dennis Trillo ang labis na paghanga kay Kim Chui dahil sa dedikasyon sa trabaho nang magkasama sila sa  Metro Manila Film Festival (MMFF) 2018 entry na "One Great Love."

Ito ang unang pagkakataon na nagkatrabaho ang dalawa na mula sa magkaibang tv network giants. Pabirong sabi ni Dennis, daig pa ni Kim ang producer dahil sa sobrang focus sa trabaho.

 

 

"Pinag-uusapan nga po namin ni J.C. (De Vera) kung gaano kami kasuwerte na makatrabaho namin si Kim dahil nakita namin 'yung dedication niya sa shooting. Kahit pagkatapos ng shooting talagang nagbabantay siya sa editing, inaalam niya kung ano 'yung magandang soundtrack na gagamitin," kuwento ni Dennis nang humarap sa presscon ng kanilang pelikula nitong Martes.

Dugtong pa ni Dennis na napapanood din sa GMA primetime series na "Cain at Abel," "Daig pa niya 'yung producer. Kaya sobrang saya namin na talagang tutok siya and ganoon siya ka-involved sa pelikula."

Napansin din ng aktor ang pagiging versatile ni Kim sa husay sa pagganap sa iba't ibang role.

"Sobrang versatile niya na artista. Nakita ko 'yung mga project na ginawa niya noon, parang pinipili niya, iba-iba palagi. So this time, iba na naman 'yung makikita niyo na kaya niyang i-offer and hindi ko na masyado ikukuwento. Pero hayaan niyong mapanood 'yung performance na ginawa niya," dagdag ni Dennis.

Sa pelikula, gagampanan ni Kim ang role ni Zyra Paez na magkakaroon ng hindi matagumpay na relasyon kay Carl Mauricio, na gagampanan ni J.C.

Kinalaunan, makikilala ni Zyra ang duktor na si Ian Arcano (Dennis), na kaniyang magiging confidante at love interest.

Sinabi naman ni Kim na "very honored" na makatrabaho si Dennis na inilarawan niya na isang napakahusay na aktor.

"Parang hindi ko lubos maisip na magkikita kami para sa isang proyekto. I'm very honored na makatrabaho ko siya kasi, iba, iba siya. Galing! Wow! Magaling po talaga siya dito," komento ni Kim tungkol kay Dennis.

Mapanonood ang  "One Great Love" sa mga sinehan sa Disyembre 25.-- FRJ, GMA News