Kahit matagal na rin sa industriya at isa sa mga hinahangaang aktor ngayon sa bansa, aminado ang Kapuso leading man na si Dennis Trillo na kulang ang tiwala niya sa sarili pagdating sa mga maselang eksena.

Kabilang si Dennis sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2018 entry na "One Great Love," kung saan mayroon silang intimate scenes ng kanilang leading lady na si Kim Chiu.

READ: Dennis Trillo, hanga sa dedikasyon ni Kim Chiu sa trabaho

READ: Kim Chiu on Dennis Trillo: 'I'm very honored na makatrabaho ko siya'

"Well sa totoo lang, habang ginagawa namin 'yon, during the first few shooting days, parang, ako kasi 'yung taong walang kompiyansa sa sarili ko eh, hindi ako ganoon kabilib sa sarili ko. So habang gumagawa kami ng mga eksena, parang feeling ko, hindi ko nagagawa nang maayos," sabi ni Dennis sa press conference ng pelikula nitong Martes sa Quezon City.

 

Kaya naman kinonsulta pa rin niya ang direktor na si Eric Quizon para makakuha ng tips kung ano ang mga dapat niyang gawin.

"Kinausap ko 'yung manager ko na sabihin kay direk Eric na, 'Ganito 'yung nararamdaman ko, feeling ko hindi ako nakaka-deliver.' Tapos after nu'n, nag-usap kami, tapos 'yun, mas naging komportable na ako. Nakatulong 'yung pakikipag-usap kay direk Eric. Naging mas malinaw 'yung gusto niyang mangyari sa mga eksena," pagbahagi ni Dennis.

Nakikinig din daw si Dennis sa opinyon ng mga kasamahan niya sa trabaho.

"Bawat eksena, pinag-uusapan namin, kami ni direk Eric at ni Kim, lalo na kung paano namin gagawin, especially 'yung mga intimate scenes, and lalo na 'yung mga drama scenes. Kasi medyo mabibigat din 'yung mga drama scenes towards the end," pahayag pa niya.

Bukod sa pelikula, mapapanood din ngayon si Dennis sa Kapuso serye na "Cain at Abel," kung saan ginagampanan niya ang role ni Elias, isang lalaking sanggano na lumaki sa hirap dulot ng paghihiwalay ng kaniyang mga magulang.

Hamon daw para kay Dennis ang transition mula kay Elias sa karakter niya sa "One Great Love" bilang si Ian, na isang doktor.

"Malayong malayo. Mahirap po siya dahil bukod po doon kay Elias, mayroon pa akong isang ginawang movie and ibang iba rin 'yung character ko doon. So ano lang eh, kailangan mo lang talagang maging focus, at kailangan gusto mo 'yung project na ginagawa mo para maibigay mo talaga 'yung kailangan mong ibigay. Kailangan mong ipakita, and kailangan talagang mahal mo 'yung ginagawa mo, 'yun ang pinakaimportante," paliwanag niya.

"Para kahit anong character man 'yung gawin mo, kayang i-differentiate bawat story," dagdag ni Dennis.

Ipalalabas sa Disyembre 25 ang "One Great Love" na kabibilangan din ni J.C. de Vera.-- FRJ, GMA News