Sa tuwing sasapit ang Pasko, kadalasan nang binabanggit ang mga minsa'y nakakainis na tanong tulad ng "Tumataba ka yata?" at "Kamusta ang love life?" sa mga magkakamag-anak.

Maging ang mga Kapuso stars, hindi rin ligtas sa mga hirit na ganito kaya nakahanda na ang kanilang sagot sa mga ito.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing maski si Barbie Forteza, nakakatanggap din ng puna sa pagdagdag ng kaniyang timbang sa Christmas season.

ADVERTISEMENT

"Palagi. Kaya iniiwasan. E kasi naman, anong aasahan niyo, Pasko 'di ba? Cassava cake, fried chicken, hamon, Morcon, kaldereta. Lahat 'yan, inaabangan ko lahat 'yan 'pag Pasko. Parang feeling ko sa tuwing makakakain ako, Pasko palagi, gano'n," ani Barbie.

Ganito rin ang komentong natatanggap ni comedian Divine Tetay sa kaniyang mga ninong at ninang, ngunit tila deadma na siya.

"It's the season to be chubby. Lalalala fun, so okay lang 'yon! You just have to love the body you're in," ayon kay Tetay.

Si Glaiza de Castro naman, madalas tinatanong kung bakit single pa rin siya, kaya umiiwas-iwas siya 'pag may time.

"'Yung mga tito ko, 'yung 'Kelan ka mag-aasawa?' Sinasabi ko talaga 'Puwedeng boyfriend muna? Teka lang ha,' The usual questions na 'O, may dine-date ka ba?' 'Yung mga gano'n na parang 'Aahh, medyo uncomfortable 'yun ah'" kuwento ni Glaiza.

Tanong naman ng mga ninong at ninang nina Reina Hispanoamericana 2017 Teresita Ssen "Winwyn" Marquez at Mark Herras, kailan daw sila magpapakasal.

Ngunit ang sagot ni Winwyn sa kaniyang pamilya, chill lang muna.

"'Pag nasa 25 and above ka na, 'yun na 'yung automatic question. Pero sinasagot ko ng straight, 'Not yet, not yet.' Sabi ko, 'Malalaman niyo naman. Chill lang kayo! Gano'n... Wala pa! Marami pa akong gustong i-achieve. And siguro, kung alam mo namang perfect time, malalaman niyo naman na 'yun na 'yun," anang beauty queen. — Jamil Santos / LA / AT, GMA News