Nakatakda nang umuwi sa Pilipinas sa Miyerkules ang bagong Miss Universe na si Catriona Gray. Ang kaniyang nobyo na si Clint Bondad, hindi pa rin daw makapaniwala sa tagumpay na nakamit ng kasintahan.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Clint na personal niyang nasaksihan ang mga sakripisyo ni Catriona para makamit nito ang panalo.

"I kept on saying, I know this is going to happen. Like she was the most prepared," saad ng binata.

Ngayon pa lang daw ay miss na miss na niya ang nobya pero kailangan daw nilang magpakatatag para sa isa't isa.

"You have to consider the alternative. Would you rather have her not win the Miss Universe competition and spend time with you? No. For sure not," ayon kay Clint.

Samantala, matapos ang coronation at press conference nitong Lunes, muling nagsama-sama ang mga kandidata sa victory party para sa pagkapanalo ni Catriona.

Ang mga nakalaban ni Catriona tulad ni Miss Peru Romina Lozano, masaya sa pagkapanalo ng Pinay beauty queen.

Kasabay nito, nagpaalam na rin sa isa't isa ang mga kandidata para bumalik sa kani-kanilang bansa.

Ang designer at kabilang sa glam team ni Catriona na kasama sa Thailand na si Mak Tumang, ikinuwento na nagyakapan na lang sila ng Bicolana beauty at wala raw silang nasambit sa isa't isa matapos ang pageant.

Sabi pa ni Mak, naging hands on daw si Catriona sa pagpili ng detalye ng kaniyang mga susuotin sa pageant.

Hanga si Mak sa dedikasyon at determinasyong ipinakita ni Catriona mula pa noong manalo sa Binibining Pilipinas.

Lagi raw nasa isip ni Catriona kung paano iaangat ang gawa at talento ng mga Pinoy, sambit pa ni Mak.

"Si Catriona kasi gusto niyang i-showcase kung ano ang meron sa Pilipinas. She is very proud of her roots talaga," anang designer.-- FRJ, GMA News