Aminado ang "The Clash" grand champion  na si Golden Cañedo na hindi pa rin siya nakaliligtas sa mga puna ngayong tapos na ang kompetisyon. Kabilang daw sa mga komento na nadidinig niya ay ang panggagaya raw niya sa ibang singer.

Sa pocket press interview para sa "The Sweetheart and the Balladeer: Fun Night Only" nitong Huwebes, tinanong si Golden kung ano ang mga bagay na gusto niyang pagtuunan ng pansin ngayong 2019.

 

 


Ayon sa kaniya, gusto niyang mahanap ang sariling estilo sa pagkanta dahil marami na ang mang-aawit na bumibirit.

"Gusto ko pa pong mag-focus sa akin [sarili]. Kasi po madami ring nagsasabi sa 'kin na nanggagaya raw po ako ng ibang mga singer kasi. 'Yun nga po, birit, madami nang bumibirit. So ako naman po gusto ko po na mas may maipakita pang iba na birit, pero as Golden," magalang niyang paliwanag.

Nakilala si Golden sa "The Clash" dahil sa kaniyang pagbirit ng mga OPM song.

Dati na niyang sinabi na gusto niyang ma-try ang lahat ng genre, maging OPM o ballad.

"Sa ngayon po nagwo-work po ako [sa] gusto kong hanapin as Golden," ayon pa sa bagong mang-aawit.

Makakasama si Golden sa first leg ng "The Sweetheart and the Balladeer: Fun Night Only" na gaganapin sa IloIlo Convention Center sa Enero 27. Tampok din sina Christian Bautista, Julie Anne San Jose, The Clash finalist Josh Adornado at comedic duo nina Super Tekla at Donita Nose.

 

 

"Excited po ako kasi first ko po and kasama ko po 'yung mga idolo ko, Christian Bautista and Ms. Julie Anne San Jose. Noon po judge po siya (Christian), si Ms. Julie naman po, na sinusubaybayan ko po siya every time sa TV noon. Kinakanta ko pa po 'yung mga songs niya. Now po, kasama ko na po siya sa concert." --FRJ, GMA News