Sa pagganap niya bilang transgender woman na si "Barb" sa pelikulang "Born Beautiful," aminado si Martin del Rosario na kinabahan siya sa kaniyang kissing scenes sa mga kapwa-lalaking aktor na sina Kiko Matos at Akihiro Blanco.

Sa bloggers' conference ni Martin kamakailan para sa pelikula, sinabi ng aktor na hindi niya alam na mayroong siyang kissing scenes sa mga kapwa niya aktor.

"Hindi ko siya alam eh. Nabasa ko 'yung script pero hindi ko alam 'yung treatment. Well, I trusted the director, direk Percy and direk Jun, alam kong hindi nila ako pababayaan sa kung ano sabihin nila," pahayag niya.

"'Yung unang eksena kasi na may kissing scene ako kay Kiko Matos, ang relationship ko sa kanila, Kiko is medyo animalistic, sexual relationship. 'Yung si Aki naman, siya 'yung parang romantic and passionate," paliwanag pa ni Martin.

"'Yung first scene na may kissing scene ako kay Kiko, siyempre kabado ako dahil, kahit naman 'yung first time ko noon na may kissing scene ako kahit sa babae, kabadong-kabado ka eh, so what more kung lalaki. Siguro 'yung una kasing dampi, 'yung sunggab 'yun 'yung parang kakabahan ang puso ko," patuloy niya.

ADVERTISEMENT

Ngunit naging propesyonal  daw sila at nag-usap kung paano nila ito didiskartehan.

"Pero nag-usap kami ni Kiko doon sa bago mag-take. Kasi ang instruction ni Direk is kailangan, kahit ayaw ko na sa kaniya, parang gustong-gusto ko pa rin siya. Kailangan pamukhain kong 'yung mahal na mahal ko pa rin, 'yung ipapakita 'yung sexual attachment namin sa isa't isa. So 'yun 'yung objective. So pinag-usapan namin ni Kiko, 'Kiko, 'di ba ikaw dito binabawi mo ako, ex mo ako 'di ba?' Parang babawiin niya ako. So it means wild kiss talaga ito," kuwento niya.

Kahit daw ang kanilang direktor ay natawa na lang nang kunan na ang eksena dahil in-character na sila ni Kiko kaya wala na ang kanilang ilangan at inhibition.
Samantala, pa-girl daw si Martin sa kissing scene nila ni Akihiro.

"Si Akihiro mas kabado, mas kabado siya kumbaga. Mas kabado siya ngayon, kinakabahan din ako kasi nanggaling nga ako du'n sa kissing scene kay Kiko. So sabi ko, 'O Aki, since babae ako dito, kasi alam mo naman pa-girl ako sa harap mo, wala kang choice, hindi kita susunggaban. Ikaw 'yung lalapit sa akin,'" patuloy na kuwento ni Martin.

"'Tapos, since passionate ito kailangan pag-usapan na natin kasi magkagulatan tapos magte-take, magkaka-ilangan, tapos magte-take two. So dapat malinaw," paliwanag pa niya.

Natanong din kung sino kina Kiko at Akhiro ang "better kisser."

"Hindi, iba eh, magkaiba kasi sila. So mas pa-girl ako doon kay Akihiro... 'Yung mga pang-movies na kiss na dahan-dahan. Ganoon. Basta magkaiba,"  natatawang sabi ng Kapuso actor.

"And mismong si Barbs, hirap na hirap kung sino ang pipiliin niya. Kaya abangan niyo sa movie kung may pipiliin ba siya or kung parehas ko ba silang pipiliin or kung mamimili ba ako ng isa. Tsaka basta, maraming mangyayari," saad niya.

Gagampanan ni Martin ang karakter ni Barbs sa "Born Beautiful," na hahanapin ang kaniyang sarili matapos mamatay ang best friend niyang si Trisha.

Sasali siya sa mga pageant at ma-i-inlove sa dalawang lalaki, ngunit magkakaroon ng mga problema kaya tila bumalik na naman ang pagkalalaki niya.

Mapapanood ang "Born Beautiful" sa Enero 23 sa mga cinemas nationwide.-- FRJ, GMA News