Maraming buhay ang nagbago at maraming oportunidad din ang dumating sa mga taong sumali sa artista search ng Kapuso Network na "Starstruck" na nagsimula pa noong 2003.

Sa ulat ni Cata Tibayan sa "24 Oras," bago pa itinanghal na pinaka unang Female Ultimate Survivor ng "Starstruck: Batch 1" si Jennylyn Mercado, nagsimula siya sa print advertisements hanggang inengganyo siyang mag-audition.

Naaalala pa ni Jennylyn na mahiyain pa siya noon, pero matapos niyang pagdaanan ang "Starstruck," tunay nang nagbago ang buhay niya. Tulad rin ng ibang nangangarap maging artista, nagtiyaga ring pumila noon sa GMA si Jennylyn.

"Tinanong nila kung ano ang talent ko, sinabi ko singing. Hindi naman ako umaarte talaga. Sabi ko singing lang. Hindi ko nga sinabi dancing kasi hindi talaga ako marunong sumayaw," sabi ni Jennylyn

ADVERTISEMENT

Si Starstruck Season 5: Avenger Rocco Nacino balak pa sanang pumasok ng Medicine school pero nagbakasakali siyang masundan ang isa pa niyang pangarap.

Sabi ni Rocco, "Pumila ako diyan sa labas ng new building. Buti nalang umulan tapos nag-antay ako sa kotse ng tatay ko. Nung nawala yung ulan naging kalahati 'yung pila. Umabot ako sa cutt-off."

Si Migo Adecer naman nag-audition naman para sa Wildcard portion ng "Starstruck Season 6."

Pahayang Migo, "I was terrified but nevertheless everything else paid off."

Si Katrina Halili naman, kumakain lang daw siya sa isang restaurant sa Quezon City nang lapitan siya ng isang talent scout.

"'Kumakakanta ka ba, sumasayaw, umaarte? Kunan ka namin. Hosting?' Sabi ko, 'Ay, hindi, wala akong talent ate.' Eh, 'yung personality ko pala answer naman din ako kahit papaano," sabi ni Katrina.

Ang "Hiram na anak" star na si Yasmien Kurdi, nagpapasalamat sa lahat ng biyaya na hatid ng "Starstruck".

"Kung makapasok kayo diyan, swerte kayo nakapasok kayo dahil makakatrabaho ninyo 'yung magagaling na magtuturo din sai nyo," Yasmin said.

Kaya sa mga edad 16-21, simula na sa Lunes ang auditions para sa susunod na season ng "Starstruck" sa GMA Network Annex Building mula January 21 hanggang February 15 tuwing Lunes hanggang Biyernes, Magdala lamang ng original at photocopy ng birth certificates, at dalawang recent photos (Isang close up at isang full-body).  —Kaela Malig/LBG, GMA News