Unang araw pa lamang pero todo-bigay na sa pagsayaw ang mga kabataang nag-audition para sa SexBomb New Generation, kung saan ang ilan ay nag-ala Rochelle Pangilinan pa sabay split!
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing maaga pa lamang ay pumila na ang mga kababaihan para sa audition ng sikat na girl dance group.
All-out ang mga SexBomb aspirants sa paghataw at paggiling sa kanilang audition piece. Pero ang iba pa, nagpakita rin ng talento sa pagkanta.
Naaalala tuloy ng mga original members ng SexBomb ang mga panahon na nagsisimula pa lang sila sa showbiz.
"Disiplina, 'yung pagod sa mga rehearsals," ayon kay Mia Pangyarihan.
"Lahat sila (turo sa mga kasamahang SexBomb), nagsasabi sa akin hindi ako marunong sumayaw, then nagtiyaga lang talaga ako, 'yun 'yung pinaka-challenge sa akin," sabi ni Cheche Tolentino.
Masaya ang mga SexBomb members na nagbukas ang maraming oportunidad para sa kanila dahil sa pagsasayaw.
Dahil dito, nagkaroon din sila ng training sa pag-arte, pagkanta at sumailalim din sa English at Tagalog classes para mahasa ang kanilang hosting.
Nagbigay sila ng tips para sa mga naghahangad na mapabilang sa bagong henerasyon ng SexBomb.
"Kung ano 'yung gusto mong gawin at ma-achieve, 'wag kang susuko," sabi ni Cheche.
"Pasuporta sila sa magulang nila hanggang sa marating nila 'yung gusto nila," sabi ni Sandy Liwayway. — Jamil Santos/DVM, GMA
