Sa pagpanaw ng itinuturing "Ama ng Pinoy Rock" na si Pepe Smith, binalikan ang makulay na buhay ng OPM rock legend.

Sa ulat ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing Pinay ang ina at sundalong Amerikano ang ama ni Joseph William Smith, na mas kilala bilang si Pepe Smith.

Pero kahit Amerikano ang ama, buong puso ang pagka-Pilipino ni Smith na nasasalamin sa kaniyang mga awitin.

Isa si Smith sa matibay na haligi ng musikang Pilipino na naging miyembro ng iconic 70s band na Juan Dela Cruz band na nagpasikat ng mga kantang kinakalakihan ng iba't ibang henerasyon tulad ng "Himig Natin," "Beep, Beep," at "Balong Malalim."

Sa ginawang dokumentaryo ni Howie Severino sa i-Witness noong 2006,  ipinakita ang kuwento ng buhay ni Smith. Kasama rito ang pagbisita niya sa Quezon City Jail kung saan nakulong siya noong 1993 dahil sa umano'y pagtutulak ng droga.

Pero nakalaya rin siya kinalaunan matapos mapawalang- sala.

"Music is my life, if not for rock and roll, I don't know what I am now, what I would be now," sabi ni Smith sa naturang panayam noon.

Taong 2017 nang maospital si Smith matapos ma-stroke sa ikatlong pagkakataon at naging dahilan para mahirapan siyang magsalita.

"Kung kailangan kong umalis, malalaman n'yo. At 'pag umalis ako, ok lang. Ituloy n'yo 'yung mga maiiwan, tuloy lang. Rock and roll pa rin kayo," sabi pa ni Smith sa nakaraang panayam.

Nitong Lunes ng umaga, kinumpirma ng kaniyang anak na si Beebop ang pagpanaw ng OPM legend sa edad na 71. -- FRJ, GMA News