Sa kauna-unahang pagkakataon, rumampa sa isang bridal fashion show si Glaiza de Castro. Dahil dito, nalaman daw niya ang pakiramdam na maging bride.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nag-iisang artista si Glaiza na rumampa sa bridal fashion show na "Entwine" na ginanap sa isang hotel sa Quezon City.
Iminodelo ng aktres ang wedding gown na likha ng millennial designer na si Haydee Garcia.
Pag-amin ng aktres, hindi naiwasan na kabahan sa umpisa dahil unang pagkakataon niya itong ginawa.
"Nu'ng una medyo nahihirapan ako na maglakad, siguro nga dahil hindi ako sanay. Pero nu'ng mga...nu'ng pagbalik namin ulit ine-enjoy ko siya. Tapos iniisip ko, ganito pala 'yung feeling na maging bride," natatawa niyang kuwento.
Dahil dito, natanong ang aktres kailan kaya siya magiging tunay na bride ngayong nali-link siya sa isang Irish man.
"Siyempre malayo pa 'yung event na 'yun for me sa totoong buhay," saad niya. "Ayokong magsalita dahil nu'ng ano, nu'ng dati, tinanong ako kung ano 'yung ideal age ko for marriage, sabi ko 30. Tapos parang 30, nagsisimula pa lang yata 'yung buhay ko talaga."
Sa ngayon, naghahahanda raw si Glaiza sa bagong pelikulang gagawin niya na may kaugnay sa isyu ng mental illness.-- FRJ, GMA News
