Aminado ang balik-showbiz na si Angel Guardian na hindi niya inasahan na mapapansin siya ng mga sumusubaybay sa Kapuso hit primetime series na "Onanay."

 

 

Sa isang episode ng serye, ginampanan ni Angel ang role ni Chelsea na na nagdiriwang ng kaarawan. Mga mga fans na nagkomento at napansin na may pagkakahawig siya kay Mikee Quintos.

Marami rin ang nakapansin sa kaniyang mala "angel" na ganda.

"'Yun nga po, sobra po, hindi ko po 'yun ine-expect. Nagulat na lang po ako paggising ko, sa Facebook may article. 'Ano 'to??' Ha! Ha!" sabi ni Angel sa GMA Music contract signing niya nitong Huwebes.

ADVERTISEMENT

Kuwento ni Angel, dati na siyang lumabas sa commercials, at talent din ng ibang network noong bata pa siya. Nagkaroon din siya ng isang regular show.

Huminto siya sa showbiz sa edad 14.

Ngunit bumalik sa showbiz si Guardian nitong nakaraang taon nang mag-audition siya sa GMA Artist Center.

"Lately na lang po 'yung Starstruck eh, nauna po 'yung VTR ko for GMA Artist Center. Pero before po plan kong sumali ng Starstruck, pero nag-iba 'yung takbo. Siguro ito 'yung will ni God," paglalahad ni Angel.

Napanood na rin si Angel sa "Pamilya Roces" at "Maynila."

Dahil nagbabalik-showbiz, kabado raw si Angel na makipagtrabaho noon sa mga kilalang artista sa "Pamilya Roces."

"Sobra pong nakakakaba 'yon tapos first time ko po. As in grabe 'yung pressure. Tapos galing pa akong soul searching... tapos puro mga bigating actor pa, as in, first day ng taping ko sila 'yung nandu'n. Hindi ko alam ang gagawin ko!" natatawa niyang sabi.

Kabilang sa "Pamilya Roces" sina Carla Abellana, Gabbi Garcia, Sophie Albert, Shaira Diaz, Jasmine Curtis-Smith, Roi Vinzon, Gloria Diaz, Snooky Serna, Elizabeth Oropesa, Rocco Nacino, Christian Bautista, André Paras, Mika Dela Cruz, at Manolo Pedrosa.

"Actually, kasi bata pa ako nu'n and hindi ko naman sobrang napi-feel 'yun before eh. Like wala 'yung pressure kasi bata ka. Parang laro-laro lang. Ngayon, ako na ang nagbubuhat sa sarili ko and alam ko na 'yung takbo kaya mas complicated na siya. And dalawang aspect 'yung pinapasok ko, music and artist,"

Ngayong contract artist na siya ng GMA Music, tinutupad ngayon ni Angel ang pangarap niyang maging isang singer.

"Ayoko nang parang singer lang. Gusto ko may character na singer. Gusto ko mag-build ng character na kakaiba. Actually I'm a weird person, medyo malalim din ako, nagsusulat ako and everything. 'Yun 'yung iniisip ko. Poetry side kasi ako, so 'yun ang ipapasok ko. Ang lalim masyado," natatawa niyang kuwento.

"Hindi ko rin nare-recognize na may boses ako, actually, ngayon lang [nagsi-sink in] sa akin na 'Oh marunong pala akong kumanta! Kaya parang ngayon lang ako na-indulge sa music, and sobrang na-e-enjoy ko and everything," dagdag pa niya.--FRJ, GMA News