Nasa cloud nine ang pakiramdam ni Super Tekla na mapanood sa upcoming comedy film na "Kiko En Lala." At dahil siya ang bida, hindi niya napigilang maging emosyonal sa biyaya at tiwalang natanggap.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras", sinabing hindi pa rin halos makapaniwala si Tekla na nabigyan siya ng isang magandang proyekto.

"Alam mo sobrang pressure, lahat ng ano pero... ganito pala'ng pakiramdam. Diyos ko, bihirang maging bida. Nasa cloud nine pa ako ngayon. Kumbaga ninanamnam ko," anang komedyante.

ADVERTISEMENT

Ilang saglit pa, hindi na napigilang maging emosyonal ni Tekla.

"Sobrang nakaka-iyak, grabe. Sobrang hindi ko akalain na darating ako sa ganitong punto," saad niya.

Gaganap si Tekla bilang kambal na sina Kiko at Lala; si Kiko, lalaking sobrang feeling guwapo at bading naman na "GGSS" o gandang-ganda sa sarili si Lala.

Makakasama ni Tekla sa pelikula sina Derrick Monasterio, Kim Domingo, Jo Berry at Aiai delas Alas.

"Mga idol ko dati 'yan, si miss AiAi. Siyempre ngayon makakasama mo na sa pelikula, sobrang ano po, grateful," sabi ni Super Tekla.

Tulad ni Tekla, excited na rin ang kaniyang mga co-stars sa pelikulang riot sa katatawanan.

"Mas magiging masaya 'tong movie kasi 'yung chemistry namin talaga, kasi sa 'Inday' kasama ko siya," ayon kay Derrick.

"Masaya ko kasi ito another blessing na naman  for me, tapos, ayan, may mga bago na naman akong makakatrabaho. Like si Tekla kasi nakatrabaho ko 'yan sa out of town show," sabi naman ni Kim.

"Ayii! Kinikilig po ako kasi ngayon ko lang sila na-meet tapos makakasama ko pa sila sa isang movie and my first movie pa po," ani Jo. -- FRJ, GMA News