Hinatulang "guilty" ng Sandiganbayan sa kasong katiwalian ang aktor at dating chairman ng Optical Media Board (OMB) na si Ronnie Ricketts dahil sa pagpapabaya umano sa mga nakumpiskang mga pirated DVDs at VCDs noong 2010.
Bilang parusa, iniutos ng Fourth Division ng anti-graft court na makulong si Ronnie ng mula anim hanggang walong taon, at hindi na rin siya maaaring humawak ng posisyon sa gobyerno.
Bukod kay Ronnie, hinatulang din ng guilty sa kaparehong kaso at may kaparehong kaparusahan laban sa dating Enforcement and Inspection Division (EID) computer operator na si Glenn Perez.
Ayon sa korte, binigyan ng labis na pabor nina Ronnie at Perez ang Sky High Marketing Corporation nang kompiskahin ng OMB ang mga pirated compact discs sa gusali nito sa Quezon City noong May 27, 2010.
Sa nabanggit ding araw, sa halip umano na sampahan ng kaso ang nabanggit na kompanya, hinayaan na mailabas at isakay ang mga nakumpiska bagay sa sasakyan ng kompanya.
Pinayagan naman ng division chairperson na si Associate Justice Alex Quiroz si Ronnie, at si Perez na iapela ang desisyon.
Pansamantala rin silang makalalaya kapalit ng pagbabayad ng tig-P30,000 piyansa.
Una rito, hiniling ng abogado ni Ronnie na si Pedro Tanchuling, sa Sandiganbayan na ipagpaliban ang paglalabas ng desisyon matapos silang maghain ng urgent motion to reopen the case nitong Huwebes.
Layunin sana ni Tanchuling na isalang sa witness stand ang aktor para patunayan umano ang pagiging inosente nito sa bintang.
"The Sandiganbayan may be clarified better if accused Ricketts would take the witness stand. We know remedy is also available to us but we would rather be allowed now. We will ensure this will be done in a one-day hearing," sabi ni Tanchuling.
Pero tinutulan ng panig ng prosekusyon ang hirit ng kampo ni Ronnie.
Ayon sa mahistrado na si Quiroz, nabigyan naman noon ng oportunidad ang aktor na magpakita ng kanilang ebidensiya at testimonya pero hindi nila ginamit.
"The court sees no compelling reason why we have to defer the promulgation. The court has given the chance for accused to present his evidence, but movant-accused Ricketts opted not to submit his evidence," sabi ni Quiroz. -- FRJ, GMA News
