Hindi maiiwasan na may mga tao na mataas ang pagtingin sa mga artista pagdating na pisikal na anyo na may magandang katawan at makinis na kutis. Kaya naman ang mga artistang hindi pasok sa kanilang pagtingin, nakakatanggap ng mga puna o "body shaming."
Sa Star Bites report ni Suzi Abrera sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing ilang Kapuso celebs ang hindi nakaligtas sa mga naturang masasakit na komento pero natutunan nilang huwag na lang magpaapekto at sa halip ay lalong mahalin ang kanilang sarili.
Tulad ni Gabbi Garcia na pinupuna ng mga bully ang kaniyang pagiging flat chested at pagkakaroon ng stretch marks.
Pero bilang isang empowered woman, ginamit ni Gabbi ang mga kritisismo para mas mahalin pa ang katawan na mayroon siya.
Sabi pa ng aktres, sadyang mahalaga ang suporta ng pamilya, kaibigan at fans.
Samantala, hindi rin nakaligtas sa mga puna ang aktres na si Lovi Poe na kahit madalas sa gym ay sinasabihan na wala pa ring curves ang katawan.
Kaya naman sa kaniyang Instagram, mayroon siyang hashtag "Lovi Your Body" para magbigay ng inspirasyon sa iba na kagaya niya ay nakararanas din ng hindi magagandang komento at ipakita kung sino talaga sila.
Ang balingkinitang katawan ang dahilan din kung bakit nakakatanggap ng mga negatibong puna si Kris Bernal. Pero hindi pa rin nagpatinag ang aktres na mag-post ng mga larawan na nagpapakita ng kaniyang katawan.
Aminado naman "My Special Tatay" star na si Rita Daniela na hindi siya confident noon sa kaniyang katawan at kutis kaya itinatago niya ang kanyang mga flaws.
Pero sa paglipas ng panahon, pinili niyang mangibabaw ang body positivity at maging masaya kung anong mayroon siya. -- FRJ, GMA News
