Anchorman ng "Unang Hirit" sa umaga at broadcaster ng "Saksi" sa gabi, pero hindi raw nagsasawa si "Igan" Arnold Clavio na gawin ang kaniyang trabaho sa Kapuso Network, kahit pa tila security guard na rin siya na nagbubukas at nagsasara ng news program ng GMA.

"Hindi naman ako nagsasawa pang magtrabaho, maglingkod, at napakasarap maging security guard ng GMA. Ako ang nagsasara sa gabi, ako ang nagbubukas sa umaga. Security guard ang trabaho ko," saad ni Arnold sa renewal ng kaniyang kontrata sa Kapuso Network nitong Huwebes, Marso 21.

Sa halos 30 taon niya sa GMA-7, handa pa rin daw si Arnold sa mga puyatan.

"'Pag sinabing 'O, magigising ka ba ng umaga?' Sabi ko, 'Oo!' [nagkaroon ako ng] Unang Hirit. 'O kaya mo bang magpuyat?' [binigyan ako ng] Saksi. 'Pag kinakausap ako nina FLG (Felipe Gozon), sina boss (Gilberto) Duavit, ang lagi ang nasa [isip] ko 'pag tinanong kung 'Kaya mo ba?' nagtiwala na sila. So bakit naman ako tatanggi?," saad niya.

Kung paminsan, nag-a-anchor din si Arnold sa "24 Oras." Siya rin ang host ng "Tonight With Arnold Clavio."

Lagi na raw tinatanong si Igan kung may oras pa siya na matulog.

"At sabi nga nila, 'Natutulog ka pa ba?' Lagi ko namang sagot, 'Mas mabuti pa 'yung walang tulog kaysa walang gising,'" biro niya.

"Tsaka 'yung resulta naman po ng mga ratings ng mga programa kung saan ako nandoon, maganda naman sa ratings, kaya nagpapasalamat talaga ako. Kaya ako nagtagal dito, dahil din sa ating mga manonood at mga nakikinig," dagdag ni Igan.

Kuwento ni Igan, nagsimula siya sa GMA Network noong 1989 sa DZBB hanggang sa mag-crossover sa Brigada Siete, saka siya nabigyan ng iba pang programa.

" Kahapon, ito, maganda may nagsabi sa akin na 25 years anniversary ko pala dahil nag-start ako sa Brigada Siete that day, kahapon (Miyerkoles). So hindi ko na maalala 'yun eh, may nag-remind sa akin," natutuwa niyang kuwento.

Nananatili pa ring Kapuso si Arnold sa muli niyang pagpirma ng kontrata.

Kasama niyang pumirma sina GMA Network Chairman and CEO Felipe L. Gozon, President and COO Gilberto Duavit, Executive Vice President and CFO Felipe Yalong at GMA News and Public Affairs SVP Marissa Flores.

 

 

"Dito ako nagsimula, so dito na rin ako lumago. Alam niyo 'yun, parang dito na ako tinubuan ng ugat. Napakaswerte, napakapalad maging bahagi ng Kapuso Network," ayon kay Arnold.

Nagpasalamat si Igan sa mga GMA bosses sa pagtulong nila sa kaniyang Igan Foundation para sa mga batang less-privileged at maysakit.

"Sila rin ang kasama ko na nagri-reach out through Igan Foundation, Board of Directors ko sila. 'Yung fulfillment ko sa trabaho, as a journalist, masaya't matagumpay dahil kasa-kasama ko sila sa pagtulong sa benepisaryo ng mga batang diabetic. Suportado talaga sila. So thank you, hindi lang kami dito sa loob, pati sa labas, Kapuso," pahayag pa niya. -- FRJ, GMA News