Isang suspense-thriller, kakaibang katatakutan at misteryo ang mapapanood sa bagong GMA Afternoon Prime series na "Hanggang Sa Dulo Ng Buhay Ko." At dahil hindi biro ang pagdadaanan ng cast, kinailangan din ng paggabay ng mga paranormal expert.
Pagbibidahan ito nina Kris Bernal, Rayver Cruz, Megan Young at Kim Domingo, ayon sa ulat ng GMA News "Unang Balita."
Mabusisi ang paghahanda, pagdating sa pictorial, location hanggang sa ilaw at effects
"Kakaibang storya na naman siya eh. Meron siyang touch of horror, suspense thriller and at the same time andu'n 'yung drama, andun 'yung love story," ayon kay Rayver.
"Natatakot din ako for myself kasi pag-aaralan ko and papasukin ko 'yung world na 'yun. Eh matatakutin ako so 'pag ginawa ko siya, natatakot ako na madala ko," sabi naman ni Kris.
"Sabi sa amin, basta mag-pray kayo and siyempre ang importante 'yung faith mo kay God," para naman kay Kim.
Pahayag naman ni Megan: "Mahina talaga ang loob 'pag nanonood ako ng mga nakakatakot. So alam kong iba kapag ikaw 'yung shino-shoot kaysa kapag ikaw 'yung nanonood. So kailangan ko lang lakasan 'yung loob ko." —Jamil Santos/LBG, GMA News
