Inihayag ni Jose Manalo na sabik na siyang bumalik ang Sugod-Bahay segment ng "Eat Bulaga"na "Juan for All, All For Juan" sa Pasig City.
"'Yong sa Pasig, siyempre sabik na kami dahil may mga kaibigan din kaming nandoon na nagtatanong sila," sabi ni Jose nang makapanayam sa press conference ng "StarStruck" nitong Lunes.
Nang tanungin kung may schedule na kung kailan "susugurin" ng "Eat Bulaga" ang Pasig, sabi ni Jose, "Siguro kapag nandoon na si Vico [Sotto]. Kasi 'yong batas, hindi pa natatapos."
Ang tinutukoy ni Jose ay ang pagsisimula ni Vico na maupong alkalde ng Pasig matapos siyang manalo nitong nakaraang halalan.
Sa panayam ng "Kapuso Mo Jessica Soho," inihayag ni Vic Sotto, ama ni Vico at isa sa mga host ng "Eat Bulaga," na hindi na nabigyan ng permit ng Pasig ang kanilang programa para magdaos ng "Sugod-Bahay" segment.
READ: Vic Sotto, ipinangako sa mga taga-Pasig na balik ang 'Sugod-Bahay' sa lungsod kapag nanalo si Vico
Ang huling pagkakataon na mag-Sugod-Bahay ang Eat Bulaga sa Pasig ay nang tumakbong konsehal at nanalo si Vico noong 2016 elections.
Sa pagkapanalo ni Vico bilang alkalde ng Pasig, natapos ang ilang dekadang pamumuno sa lungsod ng mga Eusebio. — FRJ, GMA News
