Mapapanood na rin sa india ang ilang programa ng Kapuso network. Ang GMA ang kauna-unahang Philippine network na magpe-premiere sa India.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing mapapanood ang ilang Kapuso series sa India simula sa darating na Agosto sa pamamagitan ng dalawang top streaming sites sa naturang bansa.
Mapapanood sa over-the-top streaming service provider na "MX Player" ang mga Kapuso rom-com series na "Meant To Be" at "Juan Happy Love Story."
Ang "MX Player" ang most premium over the top platform sa India na may mahigit 350 million users.
Mapapanood din sa India ang mga hit Kapuso drama na "My Husband's Lover" at "The Rich Man's Daughter" sa kauna-unahan at pinakamalaking LGBTQ-focused streaming platform na Gagaoolala.-- FRJ, GMA News
