Sa unang araw ng termino ni Vico Sotto bilang alkalde ng Pasig City ngayong Lunes, July 1, natupad na rin ang pangako ni Bossing Vic Sotto na babalik ang ""Juan for All, All for Juan" segment ng "Eat Bulaga" sa lungsod.
READ: Vic Sotto, ipinangako sa mga taga-Pasig na balik ang 'Sugod-Bahay' sa lungsod 'pag nanalo si Vico
Sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, at Ryan Agoncillo, ang bumisita sa isang barangay sa Pasig para sa kanilang "Juan for All, All for Juan," na bahagi ang "Sugod-Bahay" kung saan pumipili sila ng isang mananalo sa barangay na pinupuntahan nila sa bahay para ibigay ang napakaraming papremyo.
READ: Jose Manalo, inihayag kung kailan babalik ang 'Sugod-Bahay' sa Pasig
Isang nagtitinda ng kakanin na si Irene ang mapalad na nanalo.
Nang sabihin niya ang mga itinitinda niya gaya ng leche plan at ube, tinanong ni dabarkads Allan K, na nasa studio kung walang "biko."
Sumagot naman si Irene na bawal ang biko sa kanilang lugar.
Nagtawanan ang mga tao at sinundan ni Allan ng pasabi na puwede na uli silang magtinda ngayon ng biko ngayong si Vico na alkalde.
Katunayan, nagbiro pa si Vic na puro biko umano ang handa sa inagurasyon o ginawang panunumpa ni Vico bilang alkalde nitong Linggo.
"Puwede na ngayon. Kahapon nga sa inauguration ang handa ni Vico, mga biko. Iba-ibang klase ng biko, nagkalat," sabi ni Vic.
Tinalo ni Vico sa pagka-alkalde ang batikang puliko sa lungsod na si Bobby Eusebio.
Matatandaan na naging usapin noong panahon ng kampanya na ipinagbawal daw ang pagtitinda ng biko sa lungsod. Bagaman hindi sinabi kung sino ang nagbawal, madali naman itong maikonekta sa pangalan ni Vico, na anak ni Bossing Vic.
Noong panahon ng kampanya para pagtakbo ni Vico bilang alkalde, kasamang nanligaw ng boto si Vic at ipinangako niya sa mga tao na ibabalik niya ang "Sugod-Bahay" sa Pasig.
Mula umano nang manalo si Vico noong 2016 elections bilang konsehal pa lang ng lungsod, hindi na umano nakakuha ng permit ang "Eat Bulaga" para magdaos ng "Sugod-Bahay" sa lungsod.
Bukod sa isang residente na nanalo sa "Sugod-Bahay," may pag-asa ring manalo ng premyo ang iba pang residente, at maging ang barangay sa iba bahagi sa pakontes sa kalye na bayanihan ng "Juan For All, All For Juan."-- FRJ, GMA News
