Hindi napigilang maluha ni Manila Mayor Isko Moreno nang mapag-usapan ang yumaong si German "Kuya Germs" Moreno sa isang interview.

Sa interview niya sa "Dobol B sa News TV" nitong Huwebes, sinabi ni GMA News Pillar Mike Enriquez na nakangiting nanonood si Kuya Germs sa kanila.

Hindi sumagot si Isko at sa halip ay naging emosyonal.

ADVERTISEMENT

Matapos nito, inalala ni Isko na 200 sila noong nasa "That's Entertainment" pa siya, pero lagi raw siyang hinahanap ni Kuya Germs.

"Kasi mga 200 plus kaming mga bata sa [That's Entertainment] 'di ba. Ever since lagi siyang naka-focus sa akin," saad ng Manila Mayor.

Bago pumasok sa politika, nakilala muna si Isko sa showbiz, nang madiskubre siya sa isang lamay ng talent manager na si Wowie Roxas.

Kinalaunan, nakapasok si Isko sa teen show na "That's Entertainment," na pinamamahalaan noon ni Kuya Germs.

Pumanaw si Kuya Germs, na host din ng programang "Walang Tulugan," noong Enero 8, 2016 dahil sa cardiac arrest. 

Pero bagong mag-showbiz si Isko, naging mahirap ang kaniyang buhay.

Nangangalakal siya ng basura at namasada ng pedicab [padyak] para makatulong sa pamilya.

Naranasan din niyang mamulot ng tira-tirang pagkain na kung tawagin ay "pagpag."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News