Sa unang pagkakataon dahil sa "Wowowin," makapupunta sa ibang bansa ang Youtube sensation at "Hipon Girl" na si Herlene Budol. Ito rin ang unang pagkakataon na makasasakay siya sa eroplano.

 

(Larawan mula IG ni Herlene)

Sa ulat ni Jojo Gabinete sa PEP.ph, sinabing pumunta ng Singapore si Herlene, kasama si Willie Revillame at iba pang co-host ng programa. Ang biyahe ay para sa contract signing ng TV host sa Wil To Play, ang bagong mobile app na joint project ng Synergy88 Philippines at August Media Holdings Singapore.

Pag-amin ni Herlene, marami na ang nagbago sa kaniyang buhay mula nang kunin ni Willie na co-host ng programa matapos na sumali sa segment na "Wil of Fortune."

"Okey naman ang buhay ko, nakakakain ako ng tatlong beses isang araw," saad niya.

"Dati kasi, raketera lang ako, hindi ako umaasa na sa isang buwan, meron akong ganito [suweldo]. Ngayon kasi, regular na," saad niya.

Marami raw first na naganap sa buhay niya mula nang makasama sa "Wowowin."

Kasama na rito ang unang pagkakataon niyang makasakay ng eroplano [na private plane pa], at unang beses din niyang makapupunta sa ibang bansa.

"Dati sa tricycle lang ang sinasakyan ko, saka mga jeep, pedicab.

"Ngayon, naka-airplane na ako, private airplane."

Kaya naman labis ang pasasalamat ni Herlene kay Willie sa ibinigay na pagkakataon sa kaniya.

"Sobrang thank you ako. Sobrang thank you talaga ako kay Sir Willie.

"Parang... eto, ha, matagal ko nang nasa isip ito, God’s will.

"Siguro si God, ginawa si Sir Wil para sa akin."

Nang tanungin na narinig na ba ito ni Willie, tugon ni Herlene, "Hindi, sa akin lang yun."

"Sobrang sasabihin ko sa kanya na God’s will.

"Di ba, may kasabihan na God’s will?

"Si God, ginawa si Wil para sa akin." -- For the full story, visit PEP.ph