Kung si Rita Daniela ang tatanungin, ayaw niya munang mauwi sa tunay na pag-iibigan ang magandang samahan nila ni Ken Chan, na kaniyang ka-love team at leading man sa upcoming Kapuso series na "One of the Baes."
Sa media conference ng "One of the Baes" nitong Miyerkoles sa GMA Network, inilahad ni Rita na naiintindihan niya ang fans, dahil siya rin mismo ay naging fan ng isang love team noon.
LOOK: Rita Daniela and Ken Chan to frontline GMA-7’s upcoming romantic comedy series “One of the Baes.” pic.twitter.com/eOufGMtGhQ
— Jannielyn Ann (@jannieannb) September 25, 2019
"Sana po kung ano man 'yung meron kami ni Ken, sana maging masaya na rin po kayo sa amin. Nage-gets ko po 'yun, naiintindihan ko po sila kasi I'm still a fan. And ganoon din naman ako noon, nu'ng meron akong finollow (follow) na love team," saad niya sa panayam ng showbiz press.
"Siyempre umaasa pa rin ako na it would be... I know the feeling, I understand their feeling that it feels nice and it feels great kung 'yung pinanonood mo, nagkatuluyan sila sa totoong buhay," dagdag pa ni Rita.
Pero para sa kaniya at kay Ken, ang ginagawa nila ay parte ng kanilang trabaho.
"But ganoon din po talaga ang buhay eh, minsan po kasi, una trabaho po namin ito, at nagkataon talagang nag-click kami, thankful kami doon. Pero 'yun po, nakikiusap po ako na sana po, kasi masaya po talaga kami ni Ken kung ano meron kami ngayon."
"Friendship talaga, as in genuine friendship," paglalahad ni Rita, sabay sabing wala silang itinatago ni Ken sa isa't isa.
Sabi pa ni Rita, ayaw niyang masira ang pagkakaibigan nila ni Ken.
"Ayoko pong sayangin 'yun eh at haluan 'yun ng iba pa, kasi kapag nahaluan 'yun ng something not nice, alam mo 'yun, kapag hinaluan siya ng landi o kung ano man 'yan na love, nasisira 'yon."
Hindi naman itinanggi ni Rita na napag-uusapan nila ni Ken ang posibilidad na magkatuluyan sila.
"Minsan naiisip namin, pinag-uusapan namin 'yan ni Ken, hindi ko sasabihing hindi. Kasi alam namin 'yun eh, aware kami kasi kapag love team, kayo palaging magkasama eh. You do intimate scenes together, kung ano 'yung usual na ginagawa ng partners."
"But we're not partners in real life," pagtatapat ni Rita.
Nagkatanungan na raw sila ni Ken kung sakaling maging sila.
"Siyempre meron at meron talaga, made-develop ka diyan eh, pero 'yun nga it's still a choice. It's still a choice at pinag-uusapan din namin ni Ken. Tinanong din naman namin ang isa't isa, 'Tingin mo ba darating tayo du'n and parehas ang sagot namin, parang 'hindi.'"
"Kasi talagang.. basta hindi ko ma-explain eh, love na love talaga namin 'yung isa't isa na..."
Nagustuhan pa aniya ni Rita na hindi nagpapaasa o nagbibigay ng maling kahulugan si Ken sa kaniya.
"Hindi po kaya okay na okay kami ni Ken, kasi wala talagang, there's nothing like false hope that's going with us, walang ganu'n talaga. Sobrang totoo lang lahat."
Mapapanood na ang One of the Baes sa Setyembre 30 sa GMA Telebabad.-- Jannielyn Ann Bigtas/Jamil Santos/FRJ, GMA News
