Sa muling pagpirma ni Ruru Madrid ng kontrata sa GMA-7, mas lalo pa niyang nararamdaman ang tiwalang ibinibigay sa kaniya ng Kapuso Network dahil sa ibinibigay sa kaniya na mga mapanghamong role.

Tulad na lang sa isang special episode ng "Magpakailanman," kung saan gaganap siya bilang isang dating male pageant winner na nalulong sa droga.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing ang karakter ni Ruru ay isang lalaking laging nananalo  sa male pageants at nangarap maging piloto na nasira ang buhay dahil sa ipinagbabawal na gamot.

"Ipapakita po natin dito 'yung pinagdaanan niya during the time na wala nang naniniwala sa kaniya, na hindi na niya kayang makaahon do'n. But after that, na-realize niya na may awa pala ang Diyos sa kaniya, na tutulungan siya para makaahon sa buhay," saad ni Ruru.

Mapapanood ngayong Sabado, October 12 ang natatanging pagganap ni Ruru sa espesyal episode ng "Magpakailanman," na pinamagatang "Adik Sa 'Yo: The Radji Kem Galos Story."

Makakasama ni Ruru sa naturang episode sina Al Tantay, Irma Adlawan, Shermaine Santiago, Brent Valdez at Jenzel Angeles.

Nitong nakaraang linggo, muling pumirma si Ruru ng kontrata bilang Kapuso.

Present sa naturang contract-signing sina Chairman and CEO Atty. Felipe Gozon, Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth Rasonable at Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara.

"From the very start of my career, sila na 'yung unang naniwala. I was so thin, wala akong talent at all, I don't know how to sing I don't even know how to dance," saad ni Ruru.

"Ngayon ang galing galing niyang sumayaw, and then now he has a single, he can sing aside from of course, 'yung husay niya sa pag-arte," ayon kay Rasonable.

"Nagagalak tayo na si Ruru ay ating home-grown na talagang naging magaling na artista, at I think maganda ang future ni Ruru lalo na rito sa atin," sabi naman ni Atty. Gozon tungkol sa aktor.--Jamil Santos/FRJ, GMA News