Matapos masangkot sa gusot ng pamilya Barretto, nilinaw ng negosyante si Atong Ang ang kaugnayan niya kina Gretchen, Nicole, at Claudine.

Nito lang weekend, sinagot ni Gretchen ang alegasyon ng kaniyang pamangkin na si Nicole na "inagaw" niya si Atong.

Sabi naman ni Gretchen, si Nicole umano ang umagaw kay Atong mula naman kay Claudine.

BASAHIN: Gretchen addresses allegation she 'stole' Atong Ang from niece

Sa panayam ng programang "Dobol A sa Dobol B" nitong Lunes.  sinabi ni Atong na dating nagtrabaho sa kaniya si Nicole at ina nitong si Marichi, habang natulungan naman niya noon si Claudine sa isang usapin kay Martin Castro.

Samantalang kasosyo naman daw niya sa negosyong sabong at casino si Gretchen at partner nito na si Tonyboy Cojuangco.

Nang tanungin kung may romantikong relasyon siya sa tatlong Barretto, sabi ni Atong, "Masasabi mo lang na girlfriend kapag nakapatong ka na diyan."

"Eh bakit ko naman aaminin na ganon, eh wala namang ganon. May nakakita ba? Eh wala naman ganon di ba?" dagdag niya.

Sinabi pa ni Atong na masaya siya sa piling ng kaniyang asawa at pamilya.

"Well, ayoko magsalita sa ganyan. Totally dine-deny ko lang talaga 'yan, kasi bakit ka magsasalita ng kung ano-ano? Basta ang sa akin, happy ako sa pamilya ko, sa asawa ko," pahayag ng negosyante.

Kung totoo umano ang alegasyon na may romantiko siyang relasyon sa tatlo, hindi umano niya isasama ang mga Barretto sa kaniyang pamilya.

"Maliwanag naman na isinasama ko sila sa pamilya ko. Ibig sabihin makikita niyo doon na walang kalokohan," paliwanag niya.

"Kung ipagpapalit mo sa iba, dapat hindi ko sila ipinagsasama-sama nang ganyan 'di ba? Unang una hindi naman kami nagsasama sa mga bahay-bahay wala naman kaming mga bahay. May kanya-kanya kaming buhay," patuloy pa ni Atong.

PARANG ANAK SI NICOLE

Ikinuwento rin ni Atong na tinulungan siya ng ina ni Nicole na si Marichi sa kaniyang negosyo matapos siyang makalabas ng kulungan.

"Ang istorya naman diyan siguro mga eight years ago or mga nine years ago si Marichi na mommy ni Nicole tumutulong sa negosyo ko 'yan, noong nag-i-istart pa lang ako. 'Di ba lumabas ako ng kulungan? Tumutulong sila sa 'kin sa negosyo ko dati," paliwanag niya.

Nag-aaral pa raw noon si Nicole nang simulan siyang tulungan ni Marichi.

"Tapos nung grumaduate naman si Nicole, tumulong naman sa akin si Nicole, 'yong sa mga booking ko lalo na kapag may mga flight ako. Nakakasama ko na si Nicole noong naka-graduate na," dagdag ni Atong.

Naging malapit umano ang pamilya niya at pamilya ni Nicole.

"Naging close sa mga anak ko, nagpupunta sa bahay ko, kami-kami nila Marichi, magkakasama kami dun sa restaurant nila Art Atayde before so naging close kami as family rin," saad niya.  "So nangyari 'yon, mga four years kaming magkakasama noon."

Parang naging anak na raw niya si Nicole hanggang sa nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan.

"Nagkaro'n ng misunderstanding noon. At tsaka may asawa na siya at tsaka anak ngayon. Dapat hindi na siya nagsasalita nang ganyan," aniya. "Nanahimik na di ba hindi ko alam ano pinanggalingan niyang gulo na 'yan nagtataka na nga ako."

TULONG KAY CLAUDINE

Tungkol kay Claudine, sinabi ni Atong na dinala ang aktres ni Marichi para tulungan sa naging problema kay Martin Castro.

"Si Claudine dinala sa akin ni Marichi dahil meron silang away ni Martin Castro before. 'Yung wife niya nagkakagulo magdedemandahan. Nagkataon si Martin kasi, anak ng kumpare ko si pareng Ronnie Castro 'yong Mayor," kuwento ni Atong.

Patuloy pa niya, "Dinala sa 'kin si Claudine ilang araw ko rin inayos 'yon so ibig sabihin 'yong tungkol kay Claudine, nakikita kami ng mga tao. Nag-iinterpret lang sila or nag-conclude sila na may relasyon kami," he said.

Matapos noon, hindi na raw niya uli nakita ang aktres.

"Never. Nakakasama ko lang siya noon nung tinulungan ko sila nila Martin lang. 'Yon lang that was six years ago. Nachismis ako pinagdidikit-dikit nila ngayon," saad niya.

TUNGKOL KAY GRETCHEN

Inilarawan naman ni Atong na malapit ang relasyon niya niya kay Gretchen at sa longtime boyfriend nito na si Tonyboy Cojuangco dahil sa pagiging kasosyo sa negosyo.

"Ngayon nung pumasok ako sa casino, 'yong family ko tsaka sila Tony Boy Cojuangco, sila Gretchen nagkaroon kami ng mga joint ventures. Magkakasosyo kami," paglilinaw niya.

Malapit din umano si Gretchen sa kaniyang pamilya at maging sa kaniyang misis.

"Sa Okada sila, sa Okada. May junket ako doon 'yong grupo na 'yan meron akong mga junket diyan. Nag-invest din sila Gretchen sa negosyo namin so pati sa sabong nag-invest din si Gretchen, magkakasama kami," ayon kay Atong.

Kung nakikita umano silang magkasama ni Gretchen sa casino, ito umano ay dahil sa kaniyang negosyo.

"Kung nakikita man kami ng mga tao na magkakasama maski sa sabungan o sa casino 'yon ang iniinterpret nila eh, conclusion lang nila 'yon," giit niya. "Kini-clear ko lang na kung ano man 'yong iniisip nila eh sarili na lang nilang isip nila 'yon." — FRJ, GMA News