Nananatiling Kapuso si comedy queen AiAi delas Alas matapos na muling pumirma ng kontrata sa GMA Network nitong Martes.
"I'm so happy and I'm so blessed," saad ni AiAi sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras."
"Thank you sa GMA and I'm still very much a Kapuso... Gusto ko nang bilangin 'yung nine years before, pang-13 ko na ngayon plus 3 years, 13, 14, 15, 16 years," sabi pa ni AiAi.
Present sa contract signing sina GMA Network Chairman and CEO Atty. Felipe Gozon, Senior Vice President for Entertainment Group Lilybeth Rasonable at manager ni AiAi na si Rowena Salido, Chief Ooperating Officer ng Asian Artist Agency Inc.
Sa GMA Network nagsimula ang career ni AiAi bilang isang komedyante at TV personality. Noong 1990s, naging mainstay si AiAi ng ilang variety shows ng GMA tulad ng RSVP, SST: Salo-Salo Together at Lunch Date.
"Dito siya nag-umpisa, dito siya sumikat at hanggang ngayon sumisikat siya at para sa akin kahit saan magpunta si AiAi she will be an asset. At siyempre natutuwa tayo na hanggang ngayon magkasama pa rin tayo," sabi ni Atty. Gozon.
"Kilala natin siya sa comedy. Kilala natin siya na nakakapag-host. Nakakapag-perform onstage. Tapos ngayon award winning actress sa movies," ayon naman kay Rasonable.
Balik-Pinas si AiAi galing Los Angeles, California, matapos magpasaya ng mga Kapuso abroad kasama sina Christian Bautista, Lani Misalucha at Golden Cañedo sa "All 4 You: The Clash Concert" na hinatid ng GMA Pinoy TV.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
