Nangako man na hindi sila mahuhulog sa isa't isa sa kanilang trabaho, inamin nina Rita Daniela at Ken Chan na naguguluhan din sila minsan sa kanilang mga nararamdaman bilang sila ang magka-love team.

Sa isang media conference kamakailan, inihayag ni Rita na kung siya ang papipiliin, si Ken na lang ang maging katambalan niya "forever" sa mga susunod pang proyekto.

"Kung puwede nga lang, si Ken na lang forever e," sabi ni Rita.

"Kasi, ganito 'yung iniisip ko. Paano kung halimbawa hindi si Ken 'yung magbo-Boyet o hindi si Ken 'yung magiging Grant? Feel ko hindi magiging ganu'n ka... Basta ewan ko 'yung chemistry. Kahit ako naguguluhan na ako sa chemistry namin," pagpapatuloy ng aktres.

Kinikilig daw si Rita kapag pinanonood ang "One of the Baes" nila ni Ken, kahit pa sila rin mismo ang gumaganap sa mga karakter nina Jowalyn at Grant.

"Meron talaga e kasi kahit na 'pag ako, pinapanood ko 'yung sarili namin sa TV, kinikilig din ako. Para akong baliw na 'Oh my gosh, nakakakilig sina Jo at Grant!' Pero kami naman 'yung nag-portray nu'n. Meron talaga and I think it's really rare to find that kind of chemistry," ani Rita.

"Siyempre 'pag nasa akin na, papakawalan mo pa ba?" ayon pa kay Rita.

Ikinuwento naman ni Ken na napagkasunduan na nila ni Rita noon na hindi dapat sila mahulog sa isa't isa kahit pa magka-love team sila.

"Alam mo, sa totoo lang, ang sabi namin ni Rita, meron kaming pinangako sa isa't isa. Sabi namin... sabi ko kay Rita, 'O ano ha, trabaho tayo ha. Haha! Pangako natin sa isa't isa walang mahuhulog ha,' ganu'n. So ako talaga nagsabi," ayon sa aktor.

Gayunman, nalilito rin sila minsan sa kanilang nararamdaman para sa isa't isa.

"Sabi niya, 'O hanggang diyan ha, hanggang dito lang.' E pagtagal ng panahon parang naguguluhan na din ako. Sabi ko, 'Hala, parang kakainin ko yata 'yung sinabi ko... hindi joke lang!'" sabi pa ni Ken.

Selos?

Nagseselos pa nga raw si Ken kapag may nakatatambalang ibang leading man si Rita sa iba pang programa.

"Hindi ko alam, parang 'pag may nakakasama siyang ibang, nagge-guest siya sa ibang show na may nakaka-partner siya, parang ang sakit-sakit sa akin. Hindi ko alam, hindi ko maintindihan!" pag-amin ni Ken.

Naintindihan naman ni Rita na normal lang na magselos si Ken.

"Feeling ko normal 'yun kasi siyempre araw-araw kaming magkasama tapos we do intimate scenes together what usually a partner does, 'di ba? So parang normal 'yun talaga na nagkaka-develop-an, ganiyan," anang aktres.

Muling iginiit ni Rita na ayaw niyang haluan ng iba pang kahulugan ang magandang pagsasamahan nila ni Ken.

"For me talaga, 'pag work, work, kasi 'pag hinaluan mo siya talaga ng something, mag-iiba't mag-iiba 'yung kakalabasan... Kasi, ako masaya talaga ako kung ano ang meron kami ni Ken, natatakot ako na 'pag nahaluan 'yon ng something, sigurado ako... I cannot afford to lose him. Masaya na ako na super friends kami," sabi ni Rita.

BASAHINRita, inilahad kung bakit ayaw niyang maging totohanan ang love team nila ni Ken

Nirerespeto ni Ken ang desisyong ito ni Rita.

"Ayun nga po e, umpisa pa lang sabi ko na, 'O hanggang dito lang kasi nirerespeto ko din si Rita, 'yung desisyon niya. And alam kong ano, ewan ko," pabirong sabi ni Ken.

May posibilidad kayang magbago ang kanilang mga iniisip at magkatuluyan sila?

"Kung saan kami dadalhin ni Lord, doon," sagot ni Rita. —Jamil Santos/KG, GMA News