Sa pagbisita sa programang "Sarap Di Ba?" ng magkapatid na Sanya Lopez at Jak Roberto, hindi nakaligtas sa host na si Carmina Villarroel na pansinin kung bakit magkaiba ang kanilang apelyido.

"Kayo naman magkapatid pero magkaiba ang apelyido. Puwede ikuwento n'yo. Kasi curious lang ako," sabi Carmina.

Sabi naman ni Sanya, mayroon daw kasing paniniwala sa showbiz na kapag nasa showbiz ang magkapatid ay "naghihilahan."

"Kasi parang dito sa showbiz meron silang paniniwala na kapag magkapatid sa showbiz medyo nagkakahilahan pababa," ani Sanya. "Kaya nag-decide sila na, 'ah yung isa i-Lopez na lang natin.'"

Matatandaan na nadiskubreng mag-artista si Sanya nang bibisitahin lang sana niya si Jak sa taping ng kinabibilangan nitong show na "Walang Tulugan with Master Showman."

"Nag-start 'yon, binisita ko si Kuya sa set. During that time, naroon si Kim Rodiguez, napagkamalang ako si Kim ng fans. So nagpa-picture sila sa 'kin. Ang tawag na nila sa 'kin, Ate Kim," kuwento noon ni Sanya.

Nang ipakilala na ni Jak si Sanya sa namayapang host ng nabanggit na programa na si German "Kuya Germs" Moreno, kaagad siyang inalok na maging bahagi na rin ng show.

Pero may dagdag na tanong si Carmina kina Jak at Sanya kung ano ngayon ang tunay nilang apelyido: Lopez ba o Roberto?

Tunghayan ang sagot sa video na ito, at alamin din kung ano naman ang pangalan ng isa pang kapatid nina Ruru at Rere Madrid.


Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
 

--FRJ, GMA News