Sinagot nina Sheryl Cruz at Jeric Gonzales ang mga naglalabasang balita na nauuwi na sa totohanan ang relasyon nila sa Kapuso series na "Magkaagaw." Lalo pang lumakas ang ugong nang mapabalitang nakipag-break daw ang aktor sa kaniyang non-showbiz girlfriend.

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing may mga lumabas ding ulat kamakailan na nakita daw si Sheryl na dumalaw sa isang rehearsal ni Jeric para sa isang show kaya nagpatuloy ang intrigang may relasyon na nga ang dalawa sa tunay na buhay.

Sa serye, ginagampanan nina Sheryl at Jeric ang papel ng magkalaguyong sina Veron at Gio na malayo ang agwat ng edad. Hindi rin nawawalan ng umiinit na eksena ang dalawa.

ADVERTISEMENT

Pero paliwanag ni Jeric tungkol sa umano'y pakikipag-break niya sa nogya, "Unang-una, wala naman akong girlfriend ngayon. Kaya paano magkakaroon ng dahilan para mag-break up? Single ako, single po ako ngayon."

Tinatawanan din lang ng dalawa ang balitang may romantikong relasyon na namamagitan sa kanila.

"Since December pa raw. Sinasabi ko na lang sa sarili ko, 'Ah, dahil siguro maganda 'yung ratings ng show namin at popular 'yung show namin, kaya siguro napag-uusapan kami" ani Sheryl.

"Natawa saka natuwa nu'ng nabasa ko 'yung mga articles and 'yung balita. Kasi effective 'yung ginagawa namin sa show na nagiging totoo na sa kanila," ayon kay Jeric.

Samantala, nagiging mas masalimuot pa ang mga pangyayari sa kuwento ng "Magkaagaw."

"Kasi 'yun nga si Gio, siyempre nagpa-part na sila ng ways ni Clarisse (Klea Pineda). Pero 'yung anak nila, parang nag-aagawan naman so mahirap talaga, mahirap 'yung sitwasyon. With Veron naman, nandiyan pa rin si Veron, nagpaparamdam pa rin," sabi ni Jeric.--Jamil Santos/FRJ, GMA News