Matapos mapanood noon sa drama romantic comedy series na "TODA One I Love," muling mapapanood si Ruru Madrid sa isang teleserye ngayong 2020.

Ito ang kaniyang inanunsyo sa programang "Mars Pa More," pero hindi muna siya nagdetalye tungkol sa bagong soap maliban sa mapapanood daw ito sa GMA Telebabad o primetime block.

ADVERTISEMENT

Bukod dito, kare-release lang ni Ruru ng bago niyang single na "Maghihintay," sa ilalim ng GMA Music.

Huling napanood si Ruru sa "TODA One I Love" kung saan nakatambalan niya si Kylie Padilla.

Sa isang panayam, inihayag ni Ruru na handa siyang maghintay sa mga proyekto at maging sa love life.

"Willing to wait pa rin, I think siguro 'yan 'yung right projects and at the same time, of course love life. I mean, kailangan mong hintayin 'yan eh," anang aktor.

"Dati agresibo ako eh. Pagka may gusto ako talagang ibubuhos ko lahat. Pagka may naisip akong gawin, gagawin ko na lang agad. Pero I think bawat bagay kailangan mong maghintay sa tamang pagkakataon dahil lahat ng mga bagay may right timing," dagdag niya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News