Pinarangalan ang Kapuso singers na sina Christian Bautista at Garrett Bolden sa Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards for Music 2019 nitong Huwebes.

Itinanghal si Christian bilang Male Recording Artist of the Year kasama ang Pinoy singer-songwriter at TV host din na si Jed Madela.

 

 

ADVERTISEMENT

Pinasalamatan ni Christian ang kaniyang mga boss, kabilang ang Universal Records, at GMA Network sa pagpayag na gawing theme song ang kanta niyang "Aking Mahal" ng "The Crown Princess."

Pinasalamatan din niya ang Stages Talents na pinamumunuan ni Carlo Orosa; ang asawa niyang si Kat Ramnani, kaniyang pamilya at fans.

Nakuha naman ni Garrett ang "New Male Recording Artist of the Year."

Sa kaniyang Instagram post, binalikan ni Garrett ang kaniyang pinagdaanan sa 11 taon niyang pagsubok na ibahagi ang talento niya sa musika.

 

 

Kamuntikan na raw siyang sumuko, pero inilahad niyang nabago ng GMA singing competition na "The Clash" ang kaniyang pananaw sa kaniyang karera.

"[N]atutunan ko na , palagi tayong Champion on our own terms , we do our own paths, ...we fail. we face defeat, but we win with Experience," ani Garrett.

Pinasalamatan ni Garrett ang GMA Network, GMA Artist Center, GMA Music, All Out Sundays, pamilya, mga kaibigan, fans at kaniyang bandmates sa kaniyang tagumpay.--FRJ, GMA News