Pinatunayan ni "Superstar" Nora Aunor ang kaniyang pagiging professional sa trabaho dahil tuloy pa rin siya sa taping kahit pa sinusumpong siya ng asthma.
"Actually kahit na masama 'yung pakiramdam ko, talagang taping, hindi ako na-late. Never akong na-late sa taping namin," sabi ni Ate Guy sa media conference ng "Bilangin ang Bituin" sa Langit sa Quezon City nitong Martes.
Ms. Nora Aunor as Mercedes “Cedes” dela Cruz. @gmanews pic.twitter.com/bksB5NvZec
— Jamil Santos (@Jamil_Santos02) February 11, 2020
"Ahead pa kami ng...halimbawa 7:00, 6:30 nandoon na kami o bago mag-7:00 nandoon na kami," dagdag pa ng Superstar.
Matagal na raw dinadamdam ni Nora ang kaniyang asthma.
"Kasi mana ako sa mama ko, may asthma eh. Hindi naman nawawala na 'yang asthma na 'yan," saad niya.
Bibida si Nora sa "Bilangin ang Bituin sa Langit" kasama sina Mylene Dizon, Zoren Legaspi at Kyline Alcantara, at sa direksyon ni Laurice Guillen.
Ang "Bilangin ang Bituin sa Langit" ay TV adaptation ng 1989 award winning blockbuster movie ng Regal Films ng parehong titulo kung saan si Nora din ang bida.
Gagampanan ni Nora ang karakter ni Mercedes "Cedes" dela Cruz, na isang grape farmer kasama ang asawa na si Damian. Sila ang nagbibigay ng supply ng ubas para sa mga kilalang liquor magnates na sina Martina (Isabel) at Ramon (Dante Rivero).
Magkakaroon ng liham na relasyon ang anak nina Cedes at Damian na si Nolie (Mylene), sa anak nina Martina at Ramon na si Anselmo (Zoren).
Dahil sa kasakiman, uutusan ni Martina na sunugin ang plantasyon dahil ayaw ng mga Dela Cruz na ibenta ang kanilang ubasan.
Dadaan ang mga trahedya at sa paglipas ng mga taon, magtatagpo ang mga landas ang anak ni Nolie na si Maggie (Kyline), at Jun, anak ni Margaux kay Anselmo.
Mapanonood ang "Bilangin ang Bituin Sa Langit" sa Pebrero 24 sa GMA Afternoon Prime.--FRJ, GMA News
