Kabilang ang mga ikinasal na may nagaganap na kalamidad ang pinahulaan sa segment na "Bawal Judgmental" sa "Eat Bulaga" nitong Miyerkules. Kabilang sa kanila sina Chino at Kat na nag-viral ang larawan dahil naging background nila sa kasal ang nag-aalburotong Taal volcano.

Sa "Bawal Judgmental," idinetalye nina Chino at Kat ang mga "behind the scenes" sa nakamamangha nilang viral garden wedding photo, na maging si Joey De Leon ay humanga.

"Medyo nagwo-worry kasi hindi siya common sa kasal na scenario... "Nakakatakot," pag-amin ni Kat.

Kahit alam nila na posibleng maging peligroso ang sitwasyon, hindi raw nila inisip na ipagpaliban pa ang kasal. Bagaman natapos ang seremonya ng kasalan, kinailangan naman putulin ang oras ng reception.

Sabi ni Kat, "'Yung reception po na-cut short talaga siya. Usually 'yung mga wedding hanggang 9, 10, ['yung amin] hanggang 7 p.m. lang."

Alas-tres pa lang daw ng hapon ay maging "visible" na ang mga usok na nanggagaling sa bulkan.

"Lumipat na kami doon sa mismong venue nu'ng kasal from prenup, mga 3 o'clock alert level 2 na agad siya. So nag-e-escalate siya nang mabilis, 'yung nangyayari," kuwento ni Chino.

"'Yung sermon ng pari, natapos naman. Hindi niya alam kasi nakatalikod siya doon sa [bulkan]," natatawa niyang dagdag.

Inihayag nina Chino at Kat kung ano ang iniisip nila noong ikinakasal sila habang sumasabog ang bulkan.

"Sa akin, pinipilit ko pa ring hindi isipin na makakasira siya ng wedding namin kasi ang tagal naming pinlano at pinag-isipan talaga," sabi ni Kat.

"Ako naman, sabi ko lang, sana makapag-'I do ako,'" ayon naman kay Chino.

Tatlong buwan daw nilang pinagplanuhan ang kanilang kasal.


Bukod kina Chino at Kat, may ikinasal din habang binabaha ang simbahan, at mayroon ding nakaranas ng lindol habang ikinakasal.

Ang PBA star na si James Yap ang celebrity na nanghula sa naturang segment ng "Eat Bulaga."-- Jamil Santos/FRJ, GMA News