Inaresto noong Lunes ang aktor na si Kiefer Sutherland, na gumanap sa hit series na “24” at sa vampire movie na “The Lost Boys,” dahil sa hinalang pananakit sa isang ride-share driver, ayon sa Los Angeles police.

Isinailalim sa kustodiya ng awtoridad ang Canadian-British actor matapos tumugon ang mga pulis sa isang tawag sa Hollywood bago maghatinggabi.

"The investigation determined that the suspect, later identified as Kiefer Sutherland, entered a ride-share vehicle, physically assaulted the driver (biktima), and made criminal threats toward the victim," saad sa pahayag ng pulisya.

Nakalaya rin kinalaunan ang 59-anyos na aktor matapos maglagak ng $50,000 na piyansa.

Hindi naman agad tumugon ang mga kinatawan ni Sutherland nang hingan ng komento ng Agence France-Presse.

Ayon sa pulisya, hindi naman nagtamo ng pinsala ang drayber na nangangailangan ng atensyong medikal.

Kilala si Sutherland sa pagganap bilang counterterrorism agent na si Jack Bauer sa hit TV series na “24,” na pumatok mula 2001 hanggang 2010. Sa pelikula naman, tumatak ang kaniyang mga papel sa “The Lost Boys” (1987), “Stand By Me” (1986), at “The Three Musketeers” (1993).— mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News