Namilipit sa sakit ng tiyan at nagsuka ang isang dalagita kaya isinugod siya ospital sa Kidapawan City, North Cotabato. Laking gulat ng mga doktor nang malaman kung ano ang dahilan ng pananakit ng kaniyang tiyan-- ang mga kumpol-kumpol na buhok sa loob nito. Bakit nga ba naisipan ng dalagita na kainin ang sarili niyang buhok? Alamin ang buong kuwento.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang dalagitang si “Fatima,” hindi niya tunay na pangalan, na namilipit sa sakit ang tiyan, nagsusuka at halos hindi makatayo noong Disyembre 30, ayon sa kaniyang pamilya.

Dahil dito, dinala siya sa ospital at sumailalim sa iba't ibang mga pagsusuri.

“Nakita doon sa X-ray niya na merong bukol. Hindi siya ma-explain na bukol. Lumalaki na siya tapos matigas na matigas po. Grabe 'yung suka niya,” sabi ni “Nora,” ina ni Fatima.

Kalaunan, sumailalim sa operasyon ang dalagita para maalis ang inakalang bukol sa kaniyang tiyan, na napag-alaman na mga hibla ng buhok na naipon at nagkumpol-kumpol.

“Parang siyang daga. Isang malaki, then tatlo ata na maliliit ‘yun. Hindi ako makapaniwala na ganun 'yung nakuha sa kaniya,” sabi ni Nora.

Ayon sa mga duktor, pambihira at iilan lang ang kaso ng katulad nang nangyari sa dalagita.

Paliwanag ng gastroenterologist na si Dr. Virgil Lo Castro, hindi natutunaw sa tiyan ang buhok.

“'Yung buhok ‘di natin nada-digest. So kung kinain natin ito, lalabas din natin ito na buhok pa rin. Dahil ito du’n sa compressive effects nu’ng hairball, sumasakit 'yung tiyan natin. Delikado ito,” sabi ni Castro.

Bago nito, sinabi ni Nora na dumaan sa matinding pagsubok ang kanilang pamilya. Bukod sa nagkaroon siya ng sakit, nagkaroon pa sila ng hindi pagkakaunawaan ng kaniyang asawa.

“So parang naaawa daw siya. Ang dami ko nang iniisip, daming bayarin. So 'yun na, every time, 'pag may ginagawa, 'pag happy siya, sad, so 'yun 'yung ginautos sa kaniya is kainin niya,” sabi ni Nora.

Bilang dalagita, sadyang palaayos at mahilig sa fashion si Fatima. Kaya naman nagtaka na lamang si Nora nang mapansin niyang umiiksi at numinipis ang buhok ng kaniyang anak.

“2024 na siguro. Sabi ko, ano ba nangyayari sa buhok mo? Bakit ganiyan? 'Pag wala siyang hijab, makikita mo 'yung mga buhok na ‘yan nagtayuan po, 'yung parang bagong tubo,” ani Nora.

Hanggang sa tila mapansin ng kaniyang pamilya na si Fatima pala mismo ang kumakain ng kaniyang buhok.

“Ilang ulit po kami naggupitan ng buhok. 'Yung sa kaniya, siya 'yung naglinis noon. Kasi sabi ko, ito na bahala maglinis niyan. Nagulat ako, bakit ganu’n? Nagkakain ba siya ng buhok?” kuwento ni Farah, kapatid ni Fatima.

Si Fatima, umaming mayroon siyang kaibigan na nag-udyok sa kaniya na kainin ang kaniyang buhok.

“Itanong ko sa kaniya, bakit ganu’n? Umabot ka ng ganu’n? Meron daw siyang kaibigan. Babae po. Mahaba ang buhok, pangit daw ang itsura. Nag-command talaga sa kaniya na kainin niya. Nag-start daw 'yung pag-eat niya last 2021,” kuwento ni Nora.

“‘Pag every time na masaya siya, may problema siya, kapag nag-iisa siya, and then ‘pag magising siya ng hatinggabi, mabibigla na lang siya,” dagdag pa ni Nora.

Ayon sa mga eksperto, posibleng may kondisyon si Fatima na tinatawag na Rapunzel's Syndrome, na batay sa fairytale na si Rapunzel na may mahabang buhok.

Ang Rapunzel's Syndrome, karaniwang dulot ng psychiatric condition gaya ng Trichotillomania o nakaugalian na paulit-ulit na paghila ng buhok. Gayundin, ang tinatawag na Trichophagia o ang pagkain ng sariling buhok.

“Baka 'yung bata dahil nai-stress siya, doon siya nakakuha ng tinatawag natin na enforcement na nare-reward siya. Mukhang may kinalaman ito sa mga family conflicts o ‘di kaya interpersonal conflicts niya. Halimbawa, hindi expressive 'yung bata. Doon niya nailalabas,” sabi ng psychologist na si Prof. Yeng Gatchalian, RPSY.

Paliwanag pa ni Gatchalian, nagagamot ang Rapunzel's Syndrome. Pagdating naman sa psychological condition ng dalagita, maaaring gawin ang cognitive behavioral therapy, kung saan nama-manage ang kaniyang pattern of thoughts.

Maaari daw gumamit ng stress ball si Fatima na hindi nakakasama o nakakasakit sa kaniya.

“Puwedeng nagkakaroon siya ng imaginary friend. At itong kaibigan na ito ang nagsasabi sa kaniya na tanggalin mo o kainin mo 'yung buhok. Hallucination, kung ito ay aktwal na naririnig, puwede rin na ito ay isang paniniwala, so ang tawag naman doon ay delusion. Kaya napakahalaga talaga na magkaroon ng psychological assessment 'yung bata,” sabi pa ni Gatchalian. – FRJ GMA Integrated News