Sariling buhay ang naging kapalit sa ginawang pagtulong ng isang lalaki sa mga naaksidenteng sakay ng motorsiklo sa Balingasag, Misamis Oriental. Ang lalaking nagmalasakit, nasawi matapos siyang masagasaan ng isang wing van truck.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente nitong Martes sa Barangay Mandangoa.

Ayon sa awtoridad, may kasama pa ang 42-anyos na biktima pero nakaligtas ito dahil nagawa pa siyang maitulak ng lalaki.

Batay sa mga kuwento ng saksi, sinabi ni Balingasag Municipal Police Station Traffic Investigator, Master Sergeant Bryan Baillo, na napadaan lang umano ang biktima at kasama nito sa naunang aksidente at nagpasyang tumigil para tumulong.

Pero biglang dumating ang wing van truck na mabilis umano ang takbo at nahagip ang biktima pero nagawa niyang maitulak ang kasama na nakaligtas.

Paliwanag umano ng driver ng truck, nawalan ng preno ang kaniyang sasakyan kaya kinabig niya sa kanang bahagi ng kalsada na hindi niya nakitang may mga tao dahil may dump truck pa sa unahan niya.

Bukod sa nasawing lalaki, pitong iba pa ang nagtamo ng minor injuries dahil sa insidente.

Ayon sa pulisya, nagkausap na at nagkaroon ng kasunduan ang may-ari ng truck at pamilya ng nasawi, at mga nasaktan upang hindi na magsampa ng reklamo. – FRJ GMA Integrated News