Sa edad na 50, napanatili ng dating aktres na si Rachel Lobangco ang magandang pangangatawan na hinangaan sa kaniya. Dekada 80 nang mapanood si Rachel sa isang beer commercial at nakilala sila bilang "Sh-Boom Girl." Magbabalik na kaya siya sa pag-arte?

Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ni Rachel ang kaniyang fitness routine sa gym, na kinabibilangan ng
spinning, boxing, TRX at maging ang hard core na abs exercises.

Kasama rin sa training niya ng iba't ibang exercise ang Muay Thai at Brazilian Jujitsu.

Kahit nawala siya sa sirkulasyon ng showbiz, fit na fit at fab na fab pa rin si Rachel at hindi pinapabayaan ang kaniyang magandang katawan.

"Nag-umpisa 'to sa gusto kong magkaro'n ng involvement sa martial arts," saad niya. "And then here comes biglang pumasok 'yung pagka bikini athlete ko."

Paliwanag pa niya, gusto niyang maging inspirasyon sa iba.

"I love touching people's lives. I like to see them getting inspired and namo-motivate ko sila by telling them 'yung fitness routine ko, kung ilang taon na 'ko, kung ano ginagawa ko," saad ni Rachel na sinabing 50-anyos na siya.

"I never really hide my age. I tell everyone kung ilang taon ako. Idol ko pa naman si JLo [Jennifer Lopez]. Nu'ng sinabi niyang 50 na siya, yeah!. I'm 50 too, you know, pareho tayong 50," masaya niyang kuwento.

Inspirasyon din daw ni Rachel sa buhay ang kaniyang nag-iisang anak na ngayon ay 20-years-old na.

"My daughter is fine. I'm so happy that she's growing-up like a real fine woman talaga And ano, Dean's list 'yung anak ko kaya sulit ang pagod ko," pagbahagi niya.

Naging fire dancer din si Rachel sa Boracay pero nang ipinagbawal na ang ganitong pagtatanghal ay bumalik na siya sa Maynila para tutukan ang negosyo ng kaniyang ina.

Nang tanungin kung may plano ba siyang bumalik sa showbiz, tugon ni Rachel, "Isa 'yon talaga sa goal ko. Of course nami-miss kong umarte. I'm just waiting for the right project talaga kasi for me everything is all about timing."-- FRJ, GMA News